Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na layunin ng isang linggong state visit ni Pangulong Duterte sa tatlong bansa sa Gitnang Silangan sa Holy Week na mapabuti ang kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) doon.

Sinabi ni Hjayceelyn Quintana, Assistant Secretary on the Office of Middle East and African Affairs, na makakaharap ni Duterte ang mga lider, at ganoon din ang mga OFW sa state visit nito sa tatlong bansa sa Abril 10-16.

Darating si Duterte sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia (KSA) sa Abril 10 at mananatili roon hanggang Abril 12 upang makipagpulong kay His Majesty King Salman bin Abdulaziz Al Saud. Magtutungo naman siya sa Manama, Bahrain sa Abril 12-14 upang makipagpulong kay His Majesty King Hamad bin Isa Al Khalifa.

Pagkatapos ay pupunta naman ang Pangulo sa Doha, Qatar sa Abril 14-16 upang makipagpulong kay Emir Sheikh Tamim bin Hamad Al-Thani.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

KAPAKANAN NG OFWs

“The President’s trip to the Middle East aims to strengthen efforts for the protection of the rights and promotion of the welfare of the Filipinos working in those countries,” sabi ni Quintana sa pre-departure briefing sa Malacañang kahapon.

Ayon sa DFA data, umaabot sa 1,067,433 ang Pilipino na nagtatrabaho sa tatlong bansang nabanggit dahil ang Middle East ay nananatiling pangunahing destinasyon ng OFWs noong 2015.

Ayon kay Quintana, bahagi ng agenda ni Duterte ang pag-iimbita ng investors sa Pilipinas at upang maisulong ang pag-unlad ng Pilipinas at mapatatag ang pakikipagtulungan sa pulitika at sa ekonomiya sa naturang tatlong bansang.

PINOY COMMUNITY

Ayon kay Quintana, ang highlight ng week-long visit ni Duterte sa Gitnang Silangan ay ang pakikipagpulong nito sa Filipino communities in Riyadh, Manama, at Doha.

Aniya, tinatayang may 760,000 Pilipino sa Saudi Arabia, 60,000 sa Bahrain, at 250,000 sa Qatar.

(Argyll Cyrus Geducos)