Naniniwala si Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na hindi magdudulot ng tensiyon sa South China Sea o West Philippines Sea (WPS) ang planong pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Pag-asa Island in Palawan sa Hunyo 12, Araw ng Kalayaan.

Sa press briefing, sinabi ni Padilla na walang dahilan para ikagalit ito ng China dahil may bilateral consultations/relations ang Pilipinas sa Beijing.

“I don’t (believe it will) because we have opened up bilateral consultations with the Chinese and they have always mentioned that everything will be always discussed peacefully,” ani Padilla.

Sa kanyang pagbisita sa AFP Western Command nitong Huwebes, sinabi ni Duterte na posibleng magtungo siya sa Pag-asa Island sa Hunyo 12 upang siya mismo ang magtirik ng watawat ng bansa sa isla para bigyang-diin ang soberanya natin doon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Iniutos din niya sa AFP na okupahin, tirikan ng watawat, at tayuan ng mga istruktura ang mga teritoryo ng bansa sa WPS.

“Pati ‘yung ano, basta ‘yung bakante na ‘yung atin na, tirahan na natin, ibig sabihin,” ani Duterte. “Mukhang agawan kasi ito ng isla, eh. And what’s ours now, at least kunin na natin and make a strong point natin there that it is ours.”

Bagamat matagal nang bahagi ng Kalayaan sa Palawan, inaangkin ng China, Taiwan at Vietnam ang Pag-asa.

Sinabi ni Padilla na maaaring ang nais tukuyin ng Pangulo ay ang mga okupado nang lugar sa WPS.

Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, may siyam na teritoryo ang Pilipinas sa Kalayaan Island Group: ang Ayungin Shoal, Pag-asa Island, Lawak, Parola, Patag, Kota, Rizal Reef, Likas, at Panata.

“We have Philippine Marine troops in every one of them. The president wants facilities built such as barracks for the men, water (desalination) and sewage disposal systems, power generators (conventional and renewable), light houses, and shelters for fishermen,” ani Lorenzana.

Kahapon, sinabi ni AFP chief of staff General Eduardo Año na ipinag-utos na niya ang deployment ng mas maraming tropa sa pitong isla at dalawang shoal sa WPS.

“Thats an order from the president and I intend to carry that out. That’s ours as per Arbitration Ruling so we dont see any problem,” sabi ni Año. (FRANCIS WAKEFIELD at FER TABOY)