Sabay-sabay inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong British na nasa likod ng “broiler room” operations na isinasagawa rito sa bansa at tinatarget ang mga nasa abroad.
Kinilala ni NBI spokesman Ferdinand Lavin ang tatlo na sina Andrew Robson, Graham Allan Bennet, at Dominic Whellams.
Ayon kay Lavin, inaresto ang tatlong Briton sa kanilang opisina sa Plustel Solutions Inc. na matatagpuan sa 88 Building, Governor’s Drive, Barangay Maduya, Carmona, Cavite nitong Martes.
Bitbit ang search warrant, ikinasa ng mga tauhan ng International Operations Division (IOD) ng NBI at ng Securities and Exchange Commission’s Investor Protection Department (SEC-IPD) ang operasyon.
Nitong Huwebes ng gabi, isinailalim ang tatlo sa inquest proceedings kasama ang 38 empleyado nilang Pinoy sa Department of Justice (DoJ) kaugnay ng mga reklamong isinampa ng SEC sa paglabag sa Securities Regulations Code in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012.
Habang ang 172 iba na nagtatrabaho bilang data miners, qualifiers at verifiers ay dinala rin sa NBI para maimbestigahan. (Jeffrey G. Damicog)