LIPA CITY, Batangas – Nalamog sa bugbog ang isang 25-anyos na binata makaraan siyang pagtulungan ng tricycle driver at kasama nito matapos niyang makasagutan ang una dahil sa sinisingil nitong pasahe sa Lipa City, Batangas kahapon.
Ginagamot pa sa ospital si Jedd Leof Delgado, taga-Barangay Coliat, Ibaan, habang naaresto naman sa follow-up operations ng pulisya ang isa sa mga suspek na si Virgilio Cadiente, 30, habang pinaghahanap pa ang kasamahan ng huli.
Ayon sa report ng grupo ni SPO1 Ronilo Balita, dakong 3:00 ng umaga at magpapahatid sana si Delgado, kasama ang dalawang kaibigan, mula sa Lipa patungong Ibaan ngunit nagtalo ang dalawa sa pasaheng sinisingil ni Cadiente.
(Lyka Manalo)