Muling umapela ang Bureau of Immigration (BI) kay Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ang mga empleyado ng ahensiya ng transition period kung kailan patuloy silang tatanggap ng overtime pay hanggang sa makapagpasa ang Kongreso ng bagong immigration law.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na masyadong biglaan ang pag-veto ng Pangulo sa overtime pay at hindi nakapaghanda ang mga empleyado ng bureau sa pagtanggal ng karagdagang bayad sa kanila.
“What we are requesting is that our workers be allowed to continue receiving their overtime pay until such time that a new immigration law is passed,” aniya.
Umaasa si Morente na sesertipikahan ng Malacañang ang immigration bill bilang urgent upang mapabilis ang pagpasa sa naturang batas, na magtataas sa suweldo ng mga manggagawa ng BI.
Hihilingin naman ng Department of Budget and Management (DBM) sa Commission on Audit na busisiin ang Express Lane Fee na sinisingil sa mga immigration counter.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, nais nilang malaman kung magkano ang pondong nalikom mula sa Express Lane Fee sa nakalipas na mga taon at kung paano ito ginagastos. Kapag lumabas na ilegal ang pinaggamitan ng pondo, posible magpalabas ng Notice of Disallowance ang COA.
Sinabi ni Diokno na matapos ibasura ng Pangulo ang paggamit ng Express Lane Fee Fund para sa overtime pay ng immigration personnel, ang tanging paraan na lamang ay baligtarin ito ng Kongreso dahil hindi pinapayagan ng batas na bawiin ng Pangulo ang pag-veto niya sa bahagi ng General Appropriations Act.
Samantala, nilinaw ng Immigration Officers Association of the Philippines (IOAP) na bagama’t nahihirapan at bagsak ang morale ng mga kawani ng BI bunga ng hindi pagbibigay ng overtime pay, ay wala silang planong magsagawa ng protesta dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa batas.
Sinabi naman ng pangulo ng Employees Union Buklod-CID na si Atty. Gregorio Sadiasa, na handa silang tanggapin ang pag-alis ng overtime pay ngunit dapat dagdagan ang kanilang sahod. (JUN RAMIREZ, BETH CAMIA at MINA NAVARRO)