BUMABA ang porsiyento ng kababaihan at kalalakihan na araw-araw na naninigarilyo sa halos lahat ng bansa sa mundo simula noong 1990, ngunit tumaas ang kabuuang bilang ng mga kamatayan na may kaugnayan sa paninigarilyo at paggamit ng tabako, ayon sa ulat ng grupo ng mga mananaliksik noong Huwebes.
Maaari pang tumaas ang bilang ng kamatayan sa pagpupursige pa ng mga kumpanya ng sigarilyo na makahimok ng bagong merkado, partikular sa mga papaunlad na bansa, babala sa report na inilabas sa medical journal na The Lancet.
Isa sa apat na lalaki at isa sa 20 babae ang naninigarilyo araw-araw noong 2015, ayon sa Global Burden of Diseases report, na itinala ng daan-daang siyentista.
Ito ay may makabuluhang pagbaba kumpara sa nakalipas na 25 taon, na isa sa tatlong lalaki at isa sa 12 babae ang naninigarilyo araw-araw.
Ngunit ang bilang ng mga namamatay na maiuugnay sa paninigarilyo — na umabot sa 6.4 na milyon noong 2015 — ay tumaas ng 4.7 porsiyento sa parehong panahon dahil sa lumalaking populasyon ng mundo, natukoy ng report.
Higit 930 milyon ang naninigarilyo araw-araw noong 2015, kumpara sa 870 milyon noong 1990 — may pitong porsiyento na pagtaas.
Isa sa 10 kamatayan sa buong mundo ay dulot ng paninigarilyo, kalahati nito ay sa apat na bansa: China, India, United States, at Russia.
“Smoking remains the second largest risk factor for early death and disability” kasunod ng alta-presyon, ayon sa senior author na si Emmanuela Gakidou mula sa Institute for Health Metrics and Evaluation sa University of Washington, sa hilagang-kanluran ng Amerika.
May ibang mga bansa na nagkaroon ng pagbaba sa paninigarilyo sa tulong ng pagpapataw ng mas mataas na buwis, education campaigns, package warning at mga programa para makumbinse ang kabataan na tigilan ang paninigarilyo.
Isa ang Brazil sa mga nangunguna sa loob 25 taong sinuri ang pag-aaral, nang bumaba ang porsiyento ng mga naninigarilyo araw-araw; mula sa 29% ay naging 12% sa mga lalaki, at mula sa 19% ay 8% na lang sa mga babae.
Gayunman, wala namang ipinagbago ang sa Indonesia, Bangladesh at Pilipinas — kung saan 47%, 38%, at 35% ang mga lalaking naninigarilyo — mula 1990 hanggang 2015.
Binigyang-diin ng World Health Organization na ang “tobacco is the only legal drug that kills many of its users when used exactly as intended by the manufacturers.”
Tinatayang nasa kalahati ng mga naninigarilyo araw-araw ang maagang namamatay dahil sa kanilang paggamit ng tabako maliban na lamang kung sila ay titigil sa paggamit nito. (Agencé France Presse)