ITINAKDA ang pulong nina United States President Donald Trump at China President Xi Jinping sa Florida nitong Huwebes (Biyernes sa Pilipinas) sa iba’t ibang usapin habang nakasubaybay ang mundo. May partikular na interes para sa atin dito sa Pilipinas ang pulong na ito dahil maaapektuhan tayo ng mga mapagdedesisyunan nila sa mga usaping pang-ekonomiya, pulitikal at pang-seguridad.
Mayroong mga sensitibong usaping pang-ekonomiya sa pagitan ng dalawang bansa, na kasalukuyang mga pangunahing ekonomiya sa mundo. Noong nangangampanya pa sa pagkapangulo, inakusahan ni Trump ang China ng pagmamanipula sa pera nito upang magkaroon ng bentahe sa kalakalan at nagbantang magpapataw ng taripa sa Chinese imports. Ang pag-unlad ng ekonomiya, para sa mas maraming trabaho para sa mamamayan ng Amerika, ay nasa sentro ng mga plano ni Trump para sa Amerika, ngunit maaaring magbunsod ito sa protectionism na makaaapekto sa atin. Napaulat na posibleng magtungo si Xi sa Florida upang mag-alok ng magagandang handog na pang-ekonomiya gaya ng pamumuhunan ng China sa isang manufacturing venture sa Amerika.
Labis namang pinahahalagahan ng China ang pandaigdigang pagkilala sa “one China.” Ngunit ilang araw makaraang mahalal, tinanggap ni President Trump ang tawag sa telepono mula sa presidente ng Taiwan, na itinuturing ng China na isang tumiwalag na probinsiya nito. Kalaunan, iminungkahi ni Secretary of State Rex Tillerson na pagbawalan ang China sa mga artipisyal na islang itinayo nito sa South China Sea.
At nariyan pa ang patuloy na pagte-test ng North Korea sa mga nuclear warhead at long-range missile nito na paulit-ulit na nitong idineklara na ubrang makaabot sa pusod ng Amerika. Ang isa sa mga test missile na ito ay bumagsak sa East Sea malapit sa Japan, habang ang isa pa ay sa Pasipiko naman, malapit sa Batanes, kaya madadamay ang Pilipinas sa anumang kaguluhang kasasangkutan ng North Korea. Sinabi ni President Trump na hihingi siya ng tulong kay President Xi — dahil China ang pangunahing kaalyado ng North Korea — ngunit kung hindi tutulong ang China, aniya, magsasagawa na ng sariling mga pagkilos ang Amerika laban sa North Korea.
Ito at ang iba pang mga usapin ang inaasahang tatalakayin sa dalawang-araw na pagpupulong nina President Trump at President Xi sa Mar-a-Lago resort ni Trump sa Florida. Umaasa tayong magkakasundo sila sa iba’t ibang usapin, partikular na sa mga isyung makaaapekto o kasasangkutan natin—ang mga pagsisikap ni Trump na paalagwahin ang ekonomiya ng Amerika, ang South China Sea, at ang bantang nukleyar mula sa North Korea.