HINDI ko na ikinagulat ang walang-puknat na pagsibak o pag-dismiss ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tauhan ng gobyerno, kabilang na ang ilang miyembro ng kanyang Gabinete na idinadawit sa mga katiwalian. Manapa, ikabigla at ipagtaka natin kung siya ay titigil sa paglipol ng kurapsiyon at ng kasumpa-sumpang pagkagumon sa illegal drugs at kriminalidad na gumigiyagis sa buong kapuluan.
Totoo na paulit-ulit nang ipinahihiwatig ng Pangulo na walang “sacred cows” sa kanyang administrasyon. Kaakibat ito ng kanyang matinding pahayag na wala siyang sasantuhin kaugnay ng kanyang ipinangakong matapat at malinis na gobyerno para sa mamamayang Pilipino.
Sa Cabinet meeting kahapon, halimbawa, walang pangingiming dinismis ng Pangulo si Secretary Ismael Sueno ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa sinasabing nangangamoy katiwalian sa naturang kagawaran.
Sinasabing ito ay may kinalaman sa hindi masugpu-sugpong illegal gambling na tulad ng jueteng; nangamoy din umano ang masalimuot na transaksiyon sa pagbili ng mga fire truck na lubhang kailangan sa mga pamahalaang lokal. Ang pagkakasibak kay Sueno ay maaaring pinasiklab ng intrigahan ng kanyang mga tauhan na umano’y may mga isip-talangka o crab mentality.
Sa biglang tingin, isang malaking kawalan ng utang na loob ng Pangulo ang kanyang pagsibak kay Sueno na isa sa mga nagtulak upang siya ay kumandidato sa panguluhan; at higit pa sa magkapatid, umano, ang kanilang pagtuturingan. Hindi ba wala ring panghihinayang ang Pangulo nang kanyang itiwalag ang dalawang Bureau of Commission (BI) officials na kapwa niya kapatid sa fraternity? Maliwanag na wala siyang patatawarin alang-alang sa paglikha ng isang huwarang pamahalaan? At lalong hindi niya pinanghinayangan ang naunang pag-dismiss sa 92 tauhan ng gobyerno na hindi mapagnit sa katiwalian.
Natitiyak ko na marami pa ang gugulong ang ulo, wika nga, sa Duterte administration, kabilang na ang ilang miyembro ng Gabinete. Talamak ang kurapsiyon hindi lamang sa mismong Tanggapan ng Pangulo kundi maging sa Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at iba pa na pinamumugaran ng mga katiwalian.
Kaakibat nito, mismong ang Pangulo ang halos manggalaiting nagpahayag na tutugisin din niya ang mga opisyal ng nakaraang administrasyon na sinasabing idinadawit din sa mga katiwalian. Kabilang dito sina dating Pangulong Aquino, dating Secretary Butch Abad ng Department of Budget and Management at Senador Antonio Trillanes. Kaugnay ito ng umano’y pagkakasangkot nila sa tiwaling paggamit ng pondo mula sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Supreme Court (SC). Dapat lamang namang mabatid ng taumbayan kung sinu-sino ang dapat managot sa mga pagkakamali.
Ang ganitong sistema – pagsibak at pagtugis – ay laging kinakasangkapan ng alinmang administrasyon. Sana, ang adhikain nito ay ituon sa paglalantad ng katotohanan at hindi maging sandata ng paghihiganti. (Celo Lagmay)