Isa ang napatay at tatlo ang nasugatan, kabilang ang isang vice mayor, sa pananambang sa bayan ng Marcos sa Ilocos Norte, kahapon.
Ayon sa report ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) nagpapatuloy ang imbestigasyon at inaalam na ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Nasawi sa ambush si Jesrel Rumbaoa, driver ni Marcos Vice Mayor Jessie Ermitanio, na nadaplisan sa katawan at nasugatan sa paa sa pamamaril.
Bukod sa bise alkalde, nasugatan din at ligtas na sa kamatayan ang bodyguard ng opisyal na si Ricky Florendo, ang empleyadang si Edralyn Arellano.
Ayon sa report ni Senior Insp. Lauro Milan, hepe ng Marcos Municipal Police, nangyari ang pananambang sa hangganan ng mga barangay ng Ragas at Dacquioag sa bayan ng Marcos.
Sinabi ni Milan na inabangan ng mga suspek ang sasakyan ni Ermitanio sa boundary ng Bgy. Ragas at Bgy. Dacquioag at pinaulanan ito ng bala.
Nakaganti naman ng putok si Florendo hanggang sa tumakas ang mga suspek.
Inaalam pa ang motibo sa pamamaril. (Fer Taboy)