LAUSANNE, Switzerland (AP) — Binawi ng International Olympic Committee (IOC) ang napagwagihang medalya ng dalawang wrestlers at isang weightlifter bunsod ng paggamit ng ipinagbabawal na anabolic steroids sa 2008 at 2012 Olympic Games.
Nagpositibo sina Uzbek wrestler Artur Taymazov, nagwagi ng gintong medalya sa 2008 Beijing Olympics, at Ukrainian wrestler Vasyl Fedoryshyn, nakakuha ng silver medal, matapos magpositibo sa isinagawang re-testing ng kanilang samples.
Hindi rin nakalusot si Russian weightlifter Svetlana Tzarukaeva na nagwagi ng silver sa 2012 London Games. Bunsod nito, si Canadian lifter Christine Girard, bronze medalist, ang kukuha ng gintong medalya matapos unang ma-banned si Maiya Maneza ng Kazakhstan dahil sa droga.
Isinasailalim ng IOC sa re-testing ang mga doping samples ng mga atleta sa nakalipas na 10 taon. Umabot na umano sa 1,000 samples ang natest ng Olympic body.
May kabuuang 65 sanction ang naipatupad mula sa mga atletang sumabak sa Beijing Games, ayon sa IOC. Mayroon namang 45 sanctions at 20 medalya ng atleta ang nabawi mula sa London Olympics, kabilang ang apat na Russians, na sentro ng imbestigasyon ni World Anti-Doping Agency investigator Richard McLaren.