DALAWANG programa ng gobyerno sa paggastos ang idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon—ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong Nobyembre 19, 2013, at ang Disbursement Acceleration Program (DAP) noong Hulyo 1, 2014.
PDAF ang pangalang ginamit ng administrasyong Aquino upang tukuyin ang sistema ng “pork barrel” sa mga kasapi ng Kongreso. Bago pa ang desisyon ng Korte Suprema, karaniwan na para sa mga mambabatas, na nag-apruba sa Pambansang Budget, ang isama ang pondo para sa mga proyektong pakikinabangan ng kani-kanilang constituents na nakatutulong upang muli silang mahalal sa puwesto. Gayunman, ipinatigil ito ng Korte Suprema, sinabing hindi dapat na makibahagi pa ang mga mambabatas sa pagpapatupad ng mga proyektong inaprubahan ng Kongreso; dapat na ipaubaya na lamang ang implementasyon ng mga ito sa ehekutibo.
Ang mga kaso ng PDAF na inihain laban sa ilang senador at kongresista ay ibinatay hindi sa naging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman kundi sa mga akusasyon na ang ilang pondo ng PDAF ay napunta sa mga non-government organization (NGO) na iniuugnay sa negosyanteng si Janet Lim Napoles, na hindi nagpatupad ng alinman sa mga proyekto. Hinihinalang milyun-milyong piso ang nawala sa gobyerno, na pinaniniwalaang tinangay ng mga NGO at ng ilang mambabatas.
Samantala, idineklarang ilegal ang DAP dahil sa pagpapahintulot nito sa withdrawal ng hindi nagamit na pondo sa budget sa kalagitnaan ng taon, at tinawag itong savings, bago inilabas ang pondo para sa mga programang hindi partikular na inaprubahan ng Kongreso. Ang ilan pang pondo ay inilipat—mula sa isang sangay ng gobyerno patungo sa isa pa—na isang paglabag sa Konstitusyon.
Inihain ng Ombudsman ang isang kaso ng DAP makaraang magtapos ang termino ng administrasyong Aquino, at ito ay laban kay dating Budget Secretary Florencio Abad. Kinasuhan si Abad ng usurpation of legislative power at simple
misconduct. Ipinag-utos ang kanyang tatlong buwang suspensiyon ngunit dahil hindi na siya naglilingkod sa gobyerno, inatasan siyang magbayad ng multa na katumbas ng tatlong buwan niyang suweldo.
Hindi kinasuhan ng graft ng Ombudsman sina Aquino at Abad. Upang maharap sa nasabing kaso, ang isang opisyal ay dapat na “manifest partiality, evident bad faith, and inexcusable negligence, and must have caused the government undue injury,” ayon sa Ombudsman. Naapektuhan ang gobyerno dahil sa iba napunta ang pondo nito.
Sa harap ng mga komento na hindi napapansin ng Ombudsman sina dating Pangulong Aquino at dating Secretary Abad sa kaso ng DAP, kumpara sa walang piyansang kaso ng plunder laban sa mga mambabatas na dawit sa kaso ng PDAF, sa isang press conference sa Cagayan de Oro nitong Linggo ay nangako si Pangulong Duterte na papangalanan ang mga nakinabang sa DAP. “I will reveal everything, how much they got,” aniya.
Sa mga kaso ng PDAF, may partikular na halagang sangkot sa partikular na mga proyekto. Hanggang sa ngayon, walang kaso ng DAP na kinasangkutan ng mga partikular na programa. Hanggang sa walang masusing imbestigasyon na makapagbubunyag sa mga kaso ng pakinabang ng ilang opisyal, hindi magkakaroon ng malalaking kaso ng DAP gaya ng sangkatutak na PDAF case na dinidinig ngayon sa Ombudsman at Sandiganbayan.