Patay ang isa sa dalawang lalaki na sakay sa motorsiklo matapos umiwas sa ‘Oplan Sita’ operation sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na inilarawang nasa edad 25-30, nakasuot ng puting pantalon, asul na t-shirt at tadtad ng tama ng bala sa katawan.
Nakatakas naman sa awtoridad ang kanyang kasama.
Sa ulat ni Parañaque City Police chief Senior Supt. Jemar Modequillo, dakong 12:30 ng madaling araw, ikinasa ang nasabing operasyon sa Sunrise Drive Area 4, Barangay San Antonio at namataan ang mga suspek na walang suot na helmet.
Nang tangkaing sitahin ng mga pulis, sa halip na huminto, umiwas at pinaharurot ng mga suspek ang motorsiklo hanggang sa sila’y sumemplang sa mabatong bahagi ng kalsada.
Dito na bumunot ng baril ang nakaangkas na suspek at pinaputukan ang awtoridad dahilan upang magpaputok ang mga pulis hanggang sa bumulagta ang isa sa mga suspek.
Narekober mula sa napatay na suspek ang isang caliber .38 revolver at 22 pekete ng pinatuyong marijuana. (Bella Gamotea)