NARARAPAT na suportahan ng lahat ng Pilipino ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na aprubahan ang National Broadband Program na naglalayong mapabuti ang komunikasyon sa pamamagitan ng Internet.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, layon ng NBP na malasap ng lahat ng Pilipino ang lahat ng benepisyo mula sa teknolohiya dala ng broadband at mapabilis ang pagpapalawak nito sa bansa.
Layon din ng programa na mapag-ugnay ang lahat ng opisina ng pamahalaan, lalo na yaong nasa malalayong dako, at mapalago ang ekonomiya sa pamamagitan ng “digital empowerment.”
Noong 2016, ang Internet penetration rate sa bansa ay 46 porsiyento. Masyado itong mababa dahil mahigit kalahati ng populasyon ay hindi nakagagamit ng Internet.
Ang social media penetration rate ng mga Pilipino ay nasa 47 porsiyento rin sa nakaraang taon. Gayunman, ginugugol ng mga Pilipino ang 3.7 oras sa mga social media engines bawat araw, pinakamataas sa buong mundo.
Kung broadband speed naman ang pag-uusapan, 2.8 mbps lamang ang Pilipinas, kumpara sa 5.1 mbps na average sa buong mundo. Napakabagal din nito kung ihahambing sa South Korea (20.5 mbps), Hong Kong (15.8 mbps), Japan (15 mbps), at Singapore (12.5 mbps).
Kaya nga pinupuri ko ang administrasyong Duterte sa paglulunsad ng NBP dahil namumuhay tayo ngayon sa tinatawag na digital age, kung saan nag-uugnay ang mga tao, negosyo, pulitika at kalakalan saan mang panig ng daigdig, sa tulong ng Internet.
Bilyun-bilyong piso ng mga transaksiyon sa negosyo ang nakukumpleto sa pamamagitan ng Internet. Sa pamamagitan ng social media at iba pang pasilidad sa Internet, maaari nang mag-usap, kahit araw-araw, ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa at ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
Ito marahil ang dahilan kung bakit idineklara ng United Nations ang Internet access bilang pangunahing karapatang pantao, kasama ng mga karapatang pang-lipunan, kabuhayan, at pulitika.
Ayon sa UN Human Rights Council (UNHRC), dahil sa Internet at pag-unlad ng teknolohiya ay nadagdagan ang interes at kahalagahan ng karapatan sa malayang pagpapahayag.
Sa isang resolusyon, idineklara ng UNHRC ang kalayaan sa pagpapahayag sa pamamagitan ng Internet na isang pangunahing karapatang pantao na dapat protektahan.
Dapat kilalanin at suportahan ng mga kritiko ni Pangulong Duterte ang... positibong epekto ng kanyang inisyatibo kaugnay ng NBP. Ginagawa niya ito sa kabila ng tinatanggap niyang pagbatikos sa pamamagitan ng Internet dahil mas mahalaga na mapangalagaan ang karapatan ng publiko at maisulong ang kaunlaran ng bayan.
Dapat makita ng mga nagbabansag sa Pangulo na isang “authoritarian” at diktador na ang NBP ay magsusulong sa mga karapatang demokratiko ng mga mamamayan na makilahok sa pamahalaan at mapakinggan ang kanilang mga hinaing.
Sinusupil ng mga diktador ang Internet at pinarurusahan ang mga umaatake sa pamahalaan sa pamamagitan ng Internet.
Ngunit si Pangulong Duterte, na inihalal ng napakaraming Pilipino, ay siyang nagsusulong ng kalayaan sa pagpapahayag sa pamamagitan ng pagtitiyak na lahat ng Pilipino ay magkaroon ng Internet access.
Gaya ng naisulat ko na sa maraming pagkakataon sa nakaraan, kailangan nating isantabi ang ingay ng pulitika at kilalanin ang mga mahalagang pagbabago na isinusulong ng kasalukuyang pamahalaan. Dito natin makikita ang sinseridad at matinding pagnanais ni Pangulong Duterte na mailagay ang bayan sa tamang landas para sa kaunlaran.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)