Sinabi kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Eduardo Ano na bineberipika pa nila kung totoo nga bang patay na ang lider ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon.
Nagsalita si Ano pagkatapos sabihin ni Pangulong Duterte na napatay si Hapilon sa surgical military airstrikes sa Mindanao.
"The President said he believes Hapilon might be dead because the latter was seriously wounded and no word from him was heard since then. There are raw reports but we still have no confirmation that Hapilon is really dead," sabi ni Ano sa isang panayam.
"Operations against his group will continue in Lanao provinces and Basilan," dagdag niya.
Ayon kay Ano, batay sa huling impormasyon na natanggap nila tungkol kay Hapilon noong Pebrero ay nakitang bitbit ito ng apat na ASG members para ilipat sa pansamantalang kampo sa kabundukan sa Butig, Lanao del Sur.
Ayon naman kay AFP Spokesman Air Force Brig. Gen. Restituto Padilla, wala pa silang natatanggap na impormasyon kung patay na nga si Hapilon.
Sinabi ng Pangulo nitong Lunes na wala silang naririnig na anumang pagkilos ni Hapilon simula nang bombahin ang bahay nito dalawang buwan na ang nakararaan.
Inilarawan ni Pangulong Duterte si Hapilon bilang “anointed” leader ng Islamic State sa bansa. (Francis T. Wakefield)