PATULOY ang ratsada ng K-Jeds at LTO-NCR sa elimination round ng Brotherhood Basketball League ‘WCA Travel Cup’ kamakailan sa Trinity University of Asia sa Quezon City.
Kumalas mula sa mahigpitang laban ang tropa ni Jed Kirong sa pagtikada ng fourth quarter na tinampukan ng tatlong sunod na tres, dalawa mula kay Nico Villena at isa kay best player Reymark Matias upang makaabante sa double digit na bentahe tungo sa 116-110 panalo kontra sa Hobe sa expert division ng torneong inorganisa ni BBL chairman Erick Kirong ng Macway Travel at inihandog ng World Cruisers Adventures Travel and Tours ni CEO Engr. Joven Diaz.
Magiting na nanindigan sina Pol Santiago at Kenneth de Guia ng Hobe sa timon ni coach Erwin Sta Maria hanggang third quarter na sinagot naman ng mga asintado ng K-Jeds.
Pinalasap naman ng LTO-NCR ang unang kabiguan para sa bagitong National Housing Authority,109-81, sa expert class.
Nagbida para sa Tropang LTO si Bobby Balucanas sa kanyang overall performance na 26 puntos, limang rebound, pitong assist at apat na steal.
Sa passion division, wagi ang Goto Pilipinas laban sa Dok Manok habang naungusan naman ng Cocolife ang EARIST Red Fox.