TINANONG si Sylvia Sanchez sa finale presscon ng The Greatest Love kung ipamimigay o ipaaampon niya kung sakaling may naging anak siyang pasaway tulad ni Amanda (Dimples Romana) at Andi Eigenmann (sa tunay na buhay, na kabaligtaran ng karakter sa serye bilang Liezel).
“Hindi po mawawala ang pagmamahal ng isang ina sa anak, never na mawawala,” sagot ni Ibyang. “Pero minsan may mga anak na kailangang bigyan natin ng tough love kasi minsan nawawalan ng respeto sa magulang at kailangan nilang malaman na dapat irespeto ang magulang.
“Siguro ‘yung tough love na ‘yun, eh, baka matuto silang rumespeto sa magulang. Never mawawala ang pagmamahal ng magulang sa kanyang anak, hanggang kamatayan ‘yun at maski sa kabilang buhay.
“Ako personally, sinasabi ko, bago ako mamatay, ayos ang mga anak ko sa buhay nila, trabaho, at maligaya sila para pagdating ko sa langit, wala na akong gustong balikan dito at doon na lang ako para humarap sa Diyos at patuloy na ipanalangin ang mga anak ko, good health, happiness at masaya sila at intact ang pamilya ko,” pahayag ng bida ng The Greatest Love.
Nagkuwento rin si Sylvia na bago kunan ang mabigat na eksena ay naglalaro muna ang mga gumaganap na anak ni Gloria, maliban kay Andi/Liezel na kinakain daw ang props na pagkain, kasi ayaw munang isipin ang mga ipagagawa sa kanila.
Gusto nilang feel good muna dahil ‘yung indibidwal nilang karakter sa The Greatest Love ay malayo sa tunay nilang buhay.
Nabanggit naman ni Dimples na may fine kapag may nagkamali sa eksena.
“Magpapakain po sa set kaya lahat magagaling. Minsan nga, sinasabi na lang, ‘huwag mo namang husayan masyado.’
“Siguro ito ‘yung na-realize ko sa show na ito, at nakita ko sa mga anak ko (TGL),” sabi ni Ibyang. “Iba ang artista dahil sa fame, nandito ka dahil gusto mong kumita, dahil gusto mong makilala, iba. Nandito ang mga batang ito o kami dahil seryoso kami sa craft namin, ito ang passion namin, mahal namin itong ginagawa namin. Of course, masarap kumita ng pera kasi everyday taping, pero nandito kami, nagkakaisa kami, kunektado kami, gusto naming umarte, gusto namin ang ginagawa namin at gusto namin pagdating sa set hindi kami hahangaan bilang si Andi, bilang si Dimples, bilang si Matt, bilang si Aaron, bilang si Joshua, bilang Sylvia, hindi ganu’n, kundi hahangaan kami as Alegre Family, The Greatest Love na show, kasi love naming lahat ‘yung trabaho namin. ‘Yun ‘yung susi talaga.”
Hindi ba niya nadadala ang karakter niya bilang Gloria pag-uwi ng bahay?
“Hindi naman, pero ako minsan nadadala ko ‘yung natutulala ako. Everyday kasi pino-portray ko ‘yung Gloria, nakakalimot, hindi ko naiwasang nadadala ko. Minsan nasa bahay ako, nakatulala ako, ‘sabi ko, ano nga?’ Saka ang nadadala ko pa, ‘yung pagmamahal bilang nanay sa pamilya,” sagfot ni Ibyang.
Kahit kinikilalang mahusay, hindi pa rin daw nawawala ang pressure sa kanya sa tuwing may eksenang gagawin niya.
“Lahat ng papuri sa akin, pinasasalamatan ko, pero iwinawaglit ko kaagad iyon. Kasi kung isipin ko parati, mawawalan na ako ng room for improvement, iisipin ko na magaling na ako, so ayoko ng ganu’n, ayoko ng kampante, gusto ko lagi akong natsa-challenge.
“Ang pressure pa sa akin kapag nanonood na ako ng Ang Probinsyano at My Dear Heart kasi ‘yung mga anak ko, mga kontrabida lahat ang papel at pareho pang nasa primetime, so doon ako napi-pressure kapag nanonood ako.
“Doon ako natataranta talaga and thankful naman ako kasi kahit paano, marurunong din sila, maayos din sila.
“Si Arjo (Atayde) okay na sa akin, pinakawalan ko na kasi dati panay din ang payo ko sa kanya na ganito at ganyan at natsa-challenge naman siya kaya lalo niyang pinagbubuti.
“Si Ria, medyo sensitive than Arjo kaya inalalayan ko, kasi minsan may nabanggit akong dapat ganito ‘yung ginawa niya, sasabihin niya, ‘Mom, I knew it, they told me na.’ Kaya sabi ko, makinig ka sa akin kasi ako nanay mo, sasabihin ko ang totoo.’ So medyo alalay ako kay Ria,” pahayag ni Ibyang.
Ngayong patapos na ang TGL, tiniyak ni Sylvia na hindi basta-basta makakabitiw ang mga tagasubaybay nila dahil mas marami pang mangyayari na lalong hahaplos sa puso ng mga manonood. (REGGEE BONOAN)