DREAM come true kay Mark Reyes, ang director ng Encantadia noong 2005 at ngayon, na napagsama-sama niya ang cast ng kanyang obra, sa birthday party niya last April 1 sa bahay niya na tinawag niyang M House.
Kumpleto ang kanyang mga unang Sang’gre na sina Sunshine Dizon (Pirena), Iza Calzado (Amihan), Karylle (Alena) at Diana Zubiri (Danaya). Naroon din sa party sina Alfred Vargas at Arthur Solinap ng 2005 Encantadia. Ngayon ay muling napapapanood si Alfred pero hindi na bilang si Aquil (ginagampanan na ni Rocco Nacino) kundi si Amarro.
Dumating din ang cast ng 2016 Encantadia na sina Solenn Huessaff, Ruru Madrid, Christian Bautista, Carlo Gonzales at Gabbi Garcia. Muling nagkita sina Karylle at Gabbi, ang dalawang Alena, kaya muli silang nagpa-picture. Wala sina Glaiza de Castro at Rocco Nacino dahil nanood ng Coldplay concert sa Singapore.
Present din sa party sina Sanya Lopez, Vaness del Moral, Rochelle Pangilinan, Neil Ryan Sese, Marx Topacio, Arra San Agustin, Inah de Belen, Pythos Ramirez, Pancho Magno, at Edwin Reyes.
Sa ngayon ay may pumapasok pang mga bagong characters sa telefantasya, latest sina Zoren Legaspi at Ian de Leon.
Wala pa ring sinasabi ang production team kung kailan magwawakas ang Encantadia na napapanood gabi-gabi pagkatapos ng 24 Oras. (Nora Calderzon)