ANG Star Magic na ang mamamahala sa career ni Ejay Falcon pero co-manager pa rin naman ang kanyang discover na si Benjie Alipio.

Naging usap-usapan kamakailan na binitiwan na raw ni Ejay si Benjie. Pero mariin itong itinanggi ni Benjie nang makausap namin siya nang lumabas sa isang write-up (hindi sa Balita) na iniwan na raw siya ng alaga.

Ayon kay Benjie, siya pa rin ang manager at co-manager nga ang Star Magic ni Ejay.

Alam sa showbiz circle na dahil sa pagtitiyaga ni Benjie at sa tulong na rin ng Star Magic ay natupad ang pangarap ni AJ Falcon na makilala sa showbiz.

'Angel Locsin' nagpasalamat sa mga nakaka-miss na sa kaniya

Mariin ding itinanggi ni Benjie na inilaglag daw siya ni Ejay at ang PPL na raw ni Perry Langsingan ang bagong management agency ni AJ Falcon.

“Ay, hindi po totoo ‘yan. Sana tumigil na sila sa pang-iintriga sa aming dalawa ni Ejay. Kawawa naman ang bata. Ako pa rin ang co-manager niya,” mariing pahayag ni Benjie.

Nilinaw din niya ang intriga na nagbago na raw ng ugali ng alaga niya.

“Si Ejay, marunong tumanaw ng utang na loob ‘yan. Hindi siya kagaya ng iba riyan na basta na lang isinantabi ang mga naunang tumulong sa kanila,” sey ng aming kaibigan.

Samantala, binanggit ni Benjie na busy ngayon si Ejay sa teleseryeng Promise of Forever na malapit nang mapapanood sa Kapamilya Network. Makakasama ng alaga niya sina Paolo Avelino, Ritz Azul at Tristan Ramirez ng Boyband.ph alaga rin pala niya. (Jimi Escala)