Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael Sueno dahil nawalan na siya ng tiwala sa opisyal.

Sa isang pahayag, kinumpirma ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na mismong ang Presidente ang naghayag nito sa pagtatapos ng 14th Cabinet Meeting nitong Lunes ng gabi.

Sinabi ni Abella na magsilbi sanang babala ang pagkakasibak ni Sueno sa iba pang miyembro ng Gabinete na hindi kukunsintihin ng Pangulo ang alinmang “questionable or legally untenable decisions by any member of the Cabinet.”

“The President is very serious in restoring trust in the government. One of the problems is that Filipinos lost trust in the government,” ani Abella.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa isang panayam sa telebisyon, kinumpirma naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na inihayag ni Pangulong Duterte sa pulong ng Gabinete ang pagsibak sa puwesto kay Sueno.

“Terminated si Sueno because of some allegations,” ani Aguirre.

BAKIT SINIBAK?

Sa press briefing sa Malacañang kahapon, sinabi ni Abella na buong ingat na pinagdesisyunan ng Pangulo ang pagsibak kay Sueno, at nagsagawa pa umano ng sariling imbestigasyon ang Presidente.

Nilinaw din ni Abella na walang kinalaman ang liham na ipinadala sa Presidente ng tatlong undersecretary ng DILG sa naging desisyon ni Duterte.

Inakusahan si Sueno ng kurapsiyon ng tatlong DILG undersecretary na sina John Castriciones, Jesus Hinlo, at Emilie Padilla.

Kabilang sa mga akusasyon laban sa kalihim ang pag-abuso umano nito sa kapangyarihan, kuwestiyonableng yaman, ang pagkakabili ng isang bagong hotel, ang pagkakasangkot umano ng apo nito sa ilegal na sugal, at ang sinasabing anomalya sa fire truck deal sa gobyerno ng Austria.

SINO’NG KAPALIT?

Sinabi rin ni Abella na wala pang napipisil na pumalit kay Sueno at itinangging si dating Senador Bongbong Marcos ang hahali bilang bagong DILG secretary.

Napaulat na iminumungkahi ng tatlong DILG undersecretary si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Guiling Mamondiong bilang kapalit ni Sueno.

Sa kanyang panig, sinabi ni Sueno na inirerespeto niya ang naging desisyon ng Pangulo ngunit pinabulaanan ang mga alegasyon ng kurapsiyon laban sa kanya.

“I wholeheartedly accept the decision of the President. It is his call if he wants me in his Cabinet or not. But for the record, Mr. President, and I can say this with all honesty and sincerity, hindi po ako corrupt,” ani Sueno.

‘MY CONSCIENCE IS CLEAR’

Sinabi rin ni Sueno na handa siyang humarap sa anumang patas na imbestigasyon upang linisin ang kanyang pangalan.

“I just wished the information was validated. If only the President asked DILG personnel from the central down to the regional and field offices, he would have known who amongst us are more credible and trustworthy,” giit pa ni Sueno.

“My conscience is clear. Inuulit ko po, wala akong ginawa o ginagawang anomalya.”

Naniniwala naman si Senador Antonio Trillanes IV na kung naniniwala si Duterte sa mga alegasyon ng katiwalian laban kay Sueno, dapat na kasuhan nito ang opisyal.

“Isn’t it proper that if you have anything solid, you’re not just going to fire him, you would file charges against him. You will make sure they get your message so they would know you are really serious,” sabi ni Trillanes.

Sinabi ni Trillanes na ang malinaw lang sa kanya ay ang malapit nang pagtatalaga umano kay dating Senador Bongbong Marcos sa binakante ni Sueno, sinabing “it’s possible.”

(May ulat nina Beth Camia at Hannah Torregoza) (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at CHITO A. CHAVEZ)