HINDI kataka-takang sa tindi ng patutsadahan ng matataas na opisyal sa Department of Interior and Local Government (DILG) ay maapektuhan ang moral ng mga tauhan ng mga ahensiyang nasa ilalim nito, partikular na ang Philippine National Police (PNP) na kasalukuyang inuulan ng pambabatikos dahil nagsulputan ang mga tiwaling miyembro nito, idagdag pa natin ang naging bunga ng “Oplan Tokhang” na walang tigil na pagbulagta sa mga hinihinalang pusher at adik na pawang nakatsinelas lamang.

Habang isinusulat ko ang kolum na ito kahapon ng madaling araw, nakatanggap ako ng text message mula sa isang kaibigang opisyal hinggil sa pagkakasibak kay DILG secretary Ismael Sueno, ilang oras pa lamang ang nakararaan matapos ang cabinet meeting sa Malacañang ng gabing iyon. Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpahayag nito sa huling bahagi ng naturang meeting at ang sinasabing dahilan – “due to loss of trust and confidence.”

Naalala ko tuloy ang madalas kong marinig na mga payo ng matatanda sa mga mag-asawang walang ginawa kundi magbangayan halos sa harap pa mismo ng kanilang mga anak – “iwasang mag-away at magtalo sa harap ng mga bata dahil masamang ‘ejemplo’ ito, at upang hindi sila lumaking ‘pastidyo’ at matitigas ang ulo.”

Marahil, kaya ganito ang nangyayari sa PNP at iba pang ahensiya sa ilalim nito ay dahil sa pagiging abala ng kanilang mga opisyal sa pagbabatuhan ng putik sa isa’t isa – nakakaligtaan nilang may mga tauhan silang nasa harap lamang nila at pinanonood ang kanilang pagbabangayan – kaya sa halip na magtrabaho nang matino sa ilalim ng kanilang pamamatnubay ay nalilihis ng landas at nagiging mga pasaway.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nitong nakaraang linggo, patung-patong na reklamo ang naglitawan laban sa mga pang-aabuso ng mga pulis, lalo na ng mga baguhan, na kung umasta raw ay animo’y mga diyos sa lugar na kanilang nasasakupan. Huwag na nating isa-isahing banggitin dito at baka kulangin ang aking espasyo sa haba ng reklamong karamihan ay hindi na naipararating sa pamunuan ng PNP, bagkus mababasa mo na lang sa mga post sa social media, partikular na sa Facebook.

Ang isang pinupunto ko rito ay parang may kahinaan at kababawan ang counter intelligence group - kung meron man - ng pamahalaan na dapat sana’y siyang nakakasagap at nagba-validate ng mga impormasyong gaya nitong nangyayari sa DILG na lubhang napakahalaga sa decision making ni PRRD.

Sa usap-usapan kasi sa intel-community—mga lokal at mga banyagang operatibang nakikiramdam at nag-aabang ng mga “tsismis” sa loob ng bansa— pawang positibong impormasyon lamang daw ang nakararating kay PRRD. Ang mga negatibo ay “iniilalim” na lamang sa mga report hanggang mabaon sa limot. Lulutang na lamang muli ang impormasyon kapag nakarating na ito kay PRRD, hindi dahil sa kanyang “counter-intel group” bagkus dahil na leak na ito sa social media at pinagpipiyestahan na ng mga mamamayan.

(Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] ) (Dave M. Veridiano, E.E.)