NAGTALA ang season host University of Santo Tomas ng 2-1 panalo kontra National University upang palakasin ang pag-asang umabot ng Final Four round nitong Linggo sa UAAP Season 79 men’s football tournament sa Rizal Memorial Football Stadium.
Nakaiskor ng goal sina Darwin Busmion at AJ Pasion para sa Growling Tigers na mayroon na ngayong 17 puntos na nag-angat sa kanila sa ikaapat na puwesto.
Bunga ng pagkabigo, bumaba naman ang Bulldogs sa ikalimang posisyon taglay ang 16 puntos.
Sa iba pang resulta, isang late goal ang naipasok ni Alberto Echin nang gulantangin ng University of the East ang Far Eastern University, 2-1.
Tanging konsolasyon para sa Tamaraws ang pananatili sa third spot sa kabila ng kabiguan tangan ang 19 puntos.
Nakauna ang Tamaraws mula kay Rico Andes na nagtala ng unang goal sa ika-36 minuto.
Mayroon na ngayong walong puntos ang UE na nasa ikapitong puwesto.
Pinadapa naman ng Ateneo ang Adamson, 7-1, sa pamumuno ni Jordan Jarvis.
Nakatipon na ang Blue Eagles ng 29-puntos, kasunod ang defending champion University of the Philippines na may 28-puntos. (Marivic Awitan)