Patay ang tatlo katao at isa ang malubhang nasugatan nang sumalpok ang motorsiklo sa isang truck sa bayan ng Pigcawayan, North Cotabato, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa Pigcawayan Municipal Police Station, naganap ang banggaan dakong 12:05 ng madaling araw sa Barangay Kapayuran, Pigcawayan.
Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Ronilo Librado Mides, 28, driver ng motorsiklo; Kaycee John Lorenzo, 23, at Michael Gaigoni, 27.
Dinala naman sa Cotabato Regional and Medical Center si Raymund Egaran Edriaira, 29.
Sinabi ng pulisya na lulan ng motorsiklo ang apat na mga biktima na pauwi na galing sa isang inuman.
Pagsapit sa Kapayuran ay bumangga ang motorsiklo sa kasalubong na Fuso Canter truck na minamaneho ni Ronelio Dapitan ng Penafrancia village, Barangay Rosary Hieghts 11, Cotabato City.
Ang truck ay pag-aari ni Frederick Sy Lim.
Sa lakas ng pagkakabundol sa motorsiklo ng truck namatay noon Sa salaysay ni Dapitan sa mga imbestigador, pagewang-gewang ang motorsiklo bago ito sumalpok sa trak.
Isinugod ni Dapitan ang mga sugatan sa ospital bago siya sumuko sa pulisya.
Nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at physical injury si Dapitan. (Fer Taboy)