TUNAY na country queen si Miranda Lambert!
Sa Academy of Country Music Awards nitong Linggo, inuwi ng 33-anyos na mang-aawit ang kanyang ikawalong sunud-sunod na award para sa Female Vocalist of the Year, na tinalo ang dating record ni Reba McEntire.
“This really means the world to me. Carrie can see me under the table, we’ve agreed on that,” pagbibiro ni Lambert sa kanyang acceptance speech sa kapwa nominado niya at kaibigan na si Carrie Underwood. “I’m just glad to see females kicking ass these days, I’m so proud to be part of that.”
Nanalo rin si Lambert para sa Album of the Year para sa kanyang pinakabagong album na The Weight of These Wings, na isinulat niya sa kasagsagan ng kanyang diborsiyo noong 2015 mula sa kapwa country star na si Blake Shelton.
“I just want to say thank you for letting me use my heartbreak and sharing that with me,” emosyonal na sinabi ni Lambert sa crowd bago pasalamatan ang kanyang ama na si Rick, na nasa event din, para sa pagtulong sa kanya sa pagpangalan ng kanyang album.
Nagtanghal din ang country star ng kanyang bagong single na Tin Man sa awards show. (ET Online)