PINAG-UUSAPAN sa showbiz industry ang pangalang Kit Barraquias, isang model/beauty queen (now into financing business) pagkatapos niyang i-reveal na ang kanyang former boyfriend na si Marlon Stockinger ang biological dad ng kanyang pitong taong gulang na kambal na sina Lily at Violet.
Hindi kaila sa lahat na ang sikat na car racer ay kasalukuyang boyfriend ng ating 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach.
Sa panayam ng PEP kay Kit, nilinaw niya na hindi naman niya kagustuhang lumantad para isiwalat ang nasabing chapter sa kanyang buhay at sa katunayan daw ay matagal niyang pinag-isipan kung papayag siyang magpainterbyu.
Aniya’y para siyang nagbubukas ng Pandora’s box o ilang sekreto sa kanyang buhay. Alam niyang may makakaintindi at meron din namang huhusga sa kanyang pagkatao.
Pagkaraan ng pitong taong pananahimik, nilinaw niya na ang kanyang paglalantad ay para sa kabutihan ng lahat at hindi para mapag-usapan o sumikat.
“Showbiz is not the life for me,” una niyang paglilinaw.
Hindi rin siya lumantad para humingi ng financial support para sa kanyang kambal.
“Why would I ask? I’m working, I worked abroad for five years. I came back here and still working, I’m into financing,” paglalahad ng dating modelo.
Wala naman daw siyang dahilan para saktan si Pia Wurtzbach, ang girlfriend ngayon ni Marlon. At lalong hindi upang maghabol sa guwapong car racer.
Kit is already taken, at nakapag-move on na simula nang maghiwalay sila noong apat na buwan siyang pregnant.
Gusto lang ng 36-year-old single mom na lumabas kung ano ang totoo at ituwid ang katotohanan.
Nasaktan si Kit sa mga paratang na siya ay “naghahabol sa pera” o sustento.
“Hindi kami mayaman, hindi kami mahirap,” at idinugtong na ang kanyang ama ay nasa Dumaguete at nasa Palawan naman ang kanyang ina, at natuto siyang pahalagahan ang hard work sa murang gulang nang magsimula siya sa kanyang modeling career sa edad na 18.
Nagtapos siya ng Business Management course sa Thames Business School, at ngayon ay, busy sa kanyang mga anak “and making money.” (Ador Saluta)