NAKATAKDANG isiwalat ng coaching staff ang final composition ng Batang Gilas na isasabak ng bansa sa darating na SEABA Under-16 Championships na gaganapin sa Manila sa susunod na buwan.
Sa kasalukuyan, kontento si Batang Gilas mentor Michael Oliver sa tinatakbo ng kanilang paghahanda. Katunayan, nakumpleto na ang mga manlalarong inaasahan niyang dapat na nasa pool.
Nakapagensayo na ng regular sina Rence Padrigao at ang 6’11 na si Kai Sotto ng Ateneo Blue Eaglets.
Bilang bahagi ng paghahanda para sa FIBA Asia Under-16 Championship qualifier,nagsasagawa ang koponan ng tune up games kontra sa ilang mga collegiate squad.
Bagamat nabigong makuha sina 6’10 Ethan Kirkness, at 6’7 Carl Tamayo na dapat sana ‘y bubuo sa target na triple tower para sa koponan kasama ni Sotto, nakakuha naman sila ng pamalit sa dalawa sa katauhan nina : 6’9 Shaun Chiu na maglalaro na rin para sa Ateneo at 6’7 Raven Cortez ng De La Salle-Zobel.
Maliban kina Sotto,kabilang din sa Batang Gilas U16 pool sina Lloyd Oliva ng LSGH, Ryan Yu at Miguel Tan ng Xavier School, Josh Lazaro at Migs Pascual ng San Beda, Joaquin Jaymalin at Jonas Salandanan ng Ateneo, Maverick Vinoya at Terrence Fortea ng NU, Bismarck Lina ng UST, Rafael Go ng Chiang Kai Shek, Markus Dimaunahan ng Arellano, at Daniel Coo ng St. John’s Bacolod. (Marivic Awitan)