Nanawagan at hinikayat ng Southern Police District (SPD) ang babaeng biktima na napanood sa isang cell phone video na sinuntok ng isang pulis sa Makati City na lumutang at maghain ng reklamo.

Ayon kay SPD director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. walang inihaing reklamo laban sa tatlong pulis na napanood sa cell phone video, na ang isa sa kanila ang nanuntok sa babaeng biktima, dahil hindi pa lumulutang ang babae.

“Hanggang social media lang, eh wala namang complaint. Dapat lumutang ‘yung biktima, mag-file ng kaso,” ani Apolinario.

Sa isang Facebook video na in-upload ng isang Evan Tan nitong Linggo, mapapanood ang panununtok ng pulis sa isang hindi masyadong kitang babae na nakaupo sa isang stall habang ang dalawa pang pulis ay nakatayo sa likod ng biktima.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ayon kay Tan, nangyari ang insidente sa Burgos Street, Barangay Poblacion.

Base sa report nangyari ang insidente noong Sabado ng gabi (Abril 1).

“Police are beating up a girl here in Makati Avenue. One of them drew a gun and pointed it at the girl. What a way to end International Women’s Month,” post ni Tan.

Inilarawan ni Tan ang biktima na “around 18 to early 20” ang edad, idinagdag na hindi niya alam kung inaresto ba ang babae o hindi “but what I’m sure is the girl was unarmed, and the violence was unnecessary.”

Gayunman, sinabi ni Apolinario na nagsagawa na ng imbestigasyon ang Makati Police Community Precinct (PCP)-6.

Siniguro rin ni Apolinario na papatawan ng karampatang parusa ang tatlong pulis kapag napatunayang inabuso nila ang kanilang kapangyarihan.

Hinikayat din ng SPD chief si Tan na magpunta sa police station o sa SPD headquarters sa Taguig City. Sinabi niyang maaaring magamit na ebidensiya ang video laban sa tatlong pulis. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)