NASORPRESA na naman si Alden Richards nang bago matapos ang Sunday Pinasaya nitong nakaraang Linggo ay minadali siyang paakyatin ng stage sa closing ng show, kaya hindi na siya nakapagpalit ng suot niya na naka-walking shorts lang siya at t-shirt.
Iyon pala ay ia-award kay Alden ang Gold Record para sa Say It Again, ang kanyang second album sa GMA Records. May nagsasabi ngang parang long overdue na ang pag-a-award sa kanya dahil ayaw nilang maniwalang hindi pa naka-Gold ang album pagkatapos ng promotion. Medyo na-delay nga ba ang report?
Pero labis-labis ang pasasalamat ni Alden nang tanggapin ang bagong Gold Record Award at medyo naging emotional na naman siya at halatang pinigil na mapaiyak nang sabihin niyang, “Maraming salamat sa lahat ng nagmamahal at naniniwala sa amin ni Maine” (Mendoza) na siyempre ay masayang-masaya ang AlDub Nation sa pagpapasalamat ni Alden sa kanila at isinama pa niya si Maine.
Kaya tuluy-tuloy na naman ang trabaho ni Alden. Pagkatapos ng live presentation ng Sunday Pinasaya nag-taping pa sila ng episode nito para sa April 9 presentation nila dahil Holy Week break ng show at si Alden, kasama sina Maine at sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros as the lolas ng kalyeserye, ay nasa USA para sa kanilang two-day concert na “Kalyeserye sa US.” Nasa Pasadena Civic Auditorium sila sa Los Angeles, California sa April 9 at sa April 12, nasa Kings Theater sila sa Brooklyn, New York.
Pagkatapos ng taping ni Alden ng SPS dumiretso na siya sa Mariveles, Bataan early morning of Monday, para sa pagpapatuloy nila ng taping ni Maine at buong cast ng Destined To Be Yours doon. Ngayong April 4, time-out muna sila sa taping dahil manonood sila ng concert ng Coldplay sa Mall of Asia Grounds. (NORA CALDERON)