NANANATILI pa rin sa death row ng Indonesia si Mary Jane Veloso ng Nueva Ecija matapos siyang mailigtas sa tulong ng mga apela ng mga pandaigdigang grupo at ng mga opisyal sa Pilipinas ilang minuto bago ang nakatakdang pagbitay sa kanya. Bibitayin siya sa kasong drug trafficking kasama ang dalawang Australian, isang Brazilian, apat na Nigerian, at isang Indonesian noong Abril 2015. Ngunit ilang oras bago magmadaling-araw, ibinalik siya sa kanyang selda habang tuluyan namang binitay ang walong iba pa sa pamamagitan ng firing squad.
Pinakinggan ni President Joko Widodo ang mga apela ng mga naninindigan na nabiktima lamang si Mary Jane ng mga human trafficker at hiniling na ipagpaliban ang pagbitay upang mabigyan siya ng pagkakataong tumestigo laban sa mga ito. Nakabimbin pa rin ang kanyang kaso hanggang ngayon at nananatili ang parusang kamatayan laban sa kanya, maliban na lamang kung mapagkakalooban siya ng pardon ni President Widodo.
Sa isang panayam noong nakaraang linggo, sinabi ni Widodo, na sa nakalipas na apat na taon ay tinanggihan ang lahat ng kahilingan sa pardon, na pinag-iisipan niyang itigil na ang mga pagbitay, “but I must first ask my people.” Mistula namang iisa lamang ang naging konsiderasyon niya sa mariin niyang paninindigan sa parusang kamatayan—tanging mga drug convict mula sa mga bansang nagpapatupad din ng parusang kamatayan ang binitay sa Indonesia noong nakaraang taon.
Maaaring pumabor kay Mary Jane ang konsiderasyong ito noong nakaraang taon, ngunit kung ibabalik ng Kongreso ng Pilipinas ang parusang kamatayan ngayong taon, hindi ito makatutulong sa kanya. Ang panukalang nagbabalik sa parusang kamatayan para sa mga kasong may kinalaman sa droga ay mabilis na naaprubahan ng Kamara de Representantes nitong Marso 7 at ngayon ay nakasalang na sa Senado.
Kaugnay nito, sinabi noong Enero ni Bishop Ruperto Santos, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Mission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerent People, na kung pagtitibayin ng Kongreso ang panukala sa parusang kamatayan at magiging ganap na batas at sisimulan ng bansa ang pagbitay sa sarili nitong mga convict, “we will lose any moral authority to ask for clemency for our Filipinos who have been sentenced to death abroad.”
Kaya naman dalawang taon ang nakalipas matapos siyang maisalba sa pagbitay noong Abril 2015, nananatili sa kawalan ang sitwasyon ni Mary Jane at nakasalalay ang kanyang kapalaran sa desisyon ni President Widodo at ng mamamayang Indonesian na nais nitong hingan ng opinyon sa usapin sa pamamagitan ng survey. May bahagi rin nito na nakasalalay sa ating gobyerno. Kung muling bubuhayin ng Kongreso ang parusang kamatayan gaya ng nais ng bagong administrasyon, hindi malayong mapadali ang pagbitay kay Mary Jane.