Nina ARGYLL CYRUS GEDUCOS, BETH CAMIA at AARON RECUENCO

President Benigno S. Aquino III (Photo by Richard V. Viñas)
President Benigno S. Aquino III (Photo by Richard V. Viñas)
Tiniyak kahapon ng Malacañang na pagkakalooban ng gobyerno ng karampatang proteksiyon si dating Pangulong Benigno S. Aquino III makaraang ipag-utos ng “revolutionary government” ang pag-aresto rito sa kaugnay ng Kidapawan massacre.

Ito ang siniguro n Palasyo matapos iutos ng National Democratic Front (NDF)-Southern Mindanao ang pagdakip kay Aquino dahil umano sa crimes against humanity at iba pang seryosong paglabag sa international human rights law kaugnay sa nasabing insidente.

Bukod sa dating Pangulo, kinasuhan din ng NDF sina North Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, North Cotabato Rep. Nancy Catamco, at ilan pang sibilyang kawani ng pamahalaan at opisyal ng militar at pulisya.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Ayon sa pahayag ng NDF, nakitaan ng “People’s Democratic Government” ng “compelling evidence” si Aquino at ang iba pang nabanggit na personalidad sa Kidapawan massacre.

IISANG GOBYERNO

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na ang Pilipinas ay may iisang gobyerno lamang at may iisang sistema ng hustisya, kasabay ng pagtiyak na poproteksiyunan ng pamahalaan ang mga nabanggit na personalidad laban sa pag-aresto ng iba pang uri ng gobyerno.

“We only have one government and one justice system in the Philippines. Only the appropriate body can rule on the issue of the violent dispersal of farmers in Kidapawan,” saad sa pahayag ni Abella kahapon.

“Be that as it may, security measures are in place to guarantee the protection of the former President and other personalities mentioned by the announcement of the National Democratic Front,” dagdag niya.

PNP NAKAHANDA

Kinumpirma rin kahapon ng Philippine National Police (PNP) na handa itong magbigay ng seguridad sa dating Pangulo at sa iba pang personalidad na nabanggit sa arrest order ng NDF.

“As a former President and as a Filipino, former President Benigno Simeon Aquino will be provided the needed security,” sabi ni Senior Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP.

Abril 1, 2016 nang mapatay ang dalawang magsasaka at maraming iba pa ang nasugatan sa marahas na dispersal sa nasa 6,000 magsasaka sa Kidapawan City.

Hinarangan ang ilang kalsada sa Cotabato, hiniling ng mga magsasaka ang agarang paglalabas ng pamahalaang lokal ng calamity aid para sa kanila dahil matinding gutom na ang kanilang nararanasan dulot ng grabeng tagtuyot na labis na nakaapekto sa kanilang mga pananim.

Ayon sa NDF, nilitis ng People’s Court ang kaso at ipinag-utos ang pagdakip kay Aquino at sa iba pang personalidad dahil ang mga ito ay dapat na “meted out with appropriate penalties for having committed the above-mentioned acts constituting war crimes, crimes against humanity and other serious violation of international humanitarian law and human rights law.”