TALIWAS sa naunang pahayag, kakailanganin ni Pinoy ice skater Michael Martinez na sumabak sa kompetisyon sa Germany para makasikwat ng slot sa 2018 Pyeongchang Olympics.

Naunang napabalita na kwalipikado na ang 20-anyos na si Martinez matapos pumuwesto sa No.24 sa 2017 World Figure Skating Championships sa Helsinki.

Kumana si Martinez ng kabuuang 196.79 sa men’s singles event nitong Sabado para sa ika-24 na puwesto na kailangan para makalaro sa 2018 Winter Olympics sa Pyeongchang.

Ngunit, batay umano sa qualifying rules, ang Olympic spots ay ibinibigay sa bansa na may mahigit sa dalawang skaters na nakausad sa top 24.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Yes, Martinez finished at the top 24 at Worlds but with other countries earning multiple spots, the 24 spots were quickly filled,” paglilinaw ng Philippine Skating Union (PSU) sa kanilang Twitter account nitong Linggo.

Batay sa naturang rule sa international competition, sa pagkakataon na may dalawang skater ang bansa na nakapasok sa top 13, awtomatikong bibigyan ito ng karagdagang isang slot para sa Olympic team.

Sa men’s singles, nakausad ang powerhouses Japan (1st at 2nd), Canada (5th at 9th), United States (6th at 7th) at Russia (8th at 11th), dahilan para malaglag si Martinez sa Final 24.

Bunsod nito, kakailanganin ni Martinez na makapaghanda para sa susunod na qualifying event sa Setyembre sa Nebelhorn Trophy Germany. Anim na spots ang naghihintay dito. Noong 2013 edition ng naturang event nakakuha ng slot si Martinez para sa 2014 Sochi Olympics at tanghaling unang skater mula sa Southeast Asia na sumabak sa quadrennial meet. - Marivic Awitan