SA pagtatapos ng Marso at pagpasok ng Abril, isa sa punong abala sa lahat ng lugar sa buong kapuluan ay ang Philippine National Police (PNP). Halos magkakasabay, kundi man magkakasunod kasi ang mga programa ng “graduation” at “moving-up” sa iba’t ibang paaralan, pampubliko man o pribado, na kinakailangang bantayan, kaya ang deployment ng mga pulis ay karamihan sa mga lugar na ito.

Mahirap din naman kasing ipakipagsapalaran ang seguridad ng mga paaralan na sa ganitong okasyon ay dinarayo ng mga magulang, kapatid at mga kamag-anak ng magsisipagtapos sa lahat ng antas ng pag-aaral. Ayon sa mga pulis, hindi lang sila ang dumarating sa ganitong mga pagdiriwang, pati na raw ang mga mandurukot, magnanakaw at salisi na galing sa ibang lugar ay dumarayo sa mga paaralan, nagbabaka-sakaling makatiyempo sa mga sobrang nadadala ng kanilang katuwaan sa pagtatapos ng kanilang mga mahal sa buhay.

Gastos ang katapat para sa mga ganitong okasyon, kahit na nga may mga kautusan na ang Department of Education (DepEd) na gawing simple lang ang programa para sa magsisipagtapos at moving-up, hindi pa rin mapigil na hindi gumastos ang mga magulang.

Dito naman nakalalamang ang mga taga-Taguig. Bongga raw kasi ang kanilang pamahalaang lungsod, sa pamumuno ni Mayor Lani Cayetano, kaya sinasagot nito ang lahat ng gastusin ng magsisipagtapos na mag-aaral ng mga pampublikong paaralan ng lungsod. Ang makikinabang dito ay ang tinatayang 13,000 Grade 6 at 8,000 na Grade 10 na magsisipagtapos.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

At ito pa ang mas bongga, may “live broadcast” sa Internet o ‘yung tinatawag na “live streaming” o “e-graduation” ang bawat pagtatapos o graduation sa lahat ng pampublikong paaralan dito. Ito ay para kina Tatay at Nanay na hindi makadadalo para personal na masaksihan ang bunga ng kanilang pagsisikap at mga paghihirap sa pagtatrabaho nila sa ibang bansa.

Tiyak ding may mapupuntahan ang magsisipagtapos ng high school sa Taguig, dahil libre ang pag-aaral sa Taguig City University, bukod pa rito ang may P625 milyon na pondong pang-iskolar para sa mga karapatan-dapat na estudyanteng nagnanais pumasok sa mga pribadong paaralan gaya ng University of the Philippines, Ateneo de Manila University at De La Salle. Ano pa ang hinihintay n’yo, mga bata, enroll na agad pagka-graduate para sa magandang kinabukasan!

Sa buwan naman ng Abril, sa ikalawang linggo, lipat naman ang... puwersa ng mga pulis sa mga terminal ng bus, pantalan at paliparan upang bantayan ang seguridad sa mga naturang lugar na siguradong puputaktihin ng ating mga kababayan na gustong magbakasyon sa kani-kanilang lalawigan para sa “Semana Santa” na ginugunita taun-taon ng mga kababayan nating saradong Katoliko.

Sa mga lugar na ito, sa ganitong panahon, mas pinaiigting ng PNP ang kanilang pagbabantay upang ‘di malusutan ng mga teroristang gustong magpapansin sa kanilang mga sinasabing kaalyadong grupo na nasa ibang bansa upang mabiyayaan ng pondong galing sa mayayamang teroristang grupo.

(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].) (Dave M. Veridiano, E.E.)