NAGBABAKBAKAN ang dalawang kaalyadong mambabatas ni President Rodrigo Duterte. Sila ay sina Speaker Pantaleon Alvarez at Davao del Norte 2nd District Rep. Antonio Floirendo, Jr.

Si Floirendo, Jr. ang dating ginoo ni 1973 Miss Universe Margie Moran at may pinakamalaking kontribusyon sa kandidatura ng noon ay Davao City Mayor Duterte sa pagkapangulo. Sina Alvarez at Floirendo ay kapwa taga-Davao Oriental.

Sinampahan ni Alvarez ng kasong graft sa Office of the Ombudsman si Floirendo dahil umano sa “questionable business interests” nito kaugnay ng 3,000-hectare banana plantation sa joint venture ng Tagum Development Corp. (TADECO) at ng Bureau of Corrections (Bucor) sa Davao Penal Colony.

Batay sa mga report, ang away nina Alvarez at Floirendo na dating “inseparable” at matalik na magkaibigan ay nagsimula noon pang Oktubre 2, 2016 nang sumama sila kay Mano Digong sa Maskara Festival sa Bacolod City. Ayon sa mga tsismis, este ulat, nagkaroon ng pakikipag-away ang live-in partner ni Floirendo (hiwalay siya kay Margie) na si Cathy Binag sa female companion ng Speaker. Dagdag pa sa tsismis (report) ng ilang sources, sinigawan ng babaeng kasama ni Alvarez si Binag sa harap ng mga tao.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon kay Binag, galit daw si Alvarez sa kanila dahil ang asawa nitong si Emily ay laging sa kanila tumatakbo at humihingi ng tulong kapag sila’y may sigalot ng Speaker. Hindi naresolba ang away nina Binag at ng babae (female companion) ni Alvarez. Sapul noon, umasim ang relasyon ng magkaibigan hanggang hilingin ng Speaker sa Ombudsman na imbestigahan ang transaksiyon ng TADECO na pag-aari ng Floirendo Family at ng Bucor tungkol sa pataniman ng mga saging sa Panabo, Davao Oriental.

Tinangka ni PDu30 na ayusin ang sigalot ng dalawang kaalyado sa pulitika, pero hindi siya nagtagumpay. Sina Alvarez at Floirendo ay “best of friends” nang sila’y kapwa baguhang Kinatawan noong 2000s. Ang TADECO ang pinakamalaking banana plantation na nagpoprodyus at nagluluwas ng Cavendish bananas sa Japan, Hong Kong, China, Korea, Middle East, Russia, Malaysia at Singapore sa ilalim ng Del Monte at Dole brands.

Nang mabasa at malaman ng taumbayan na ang away nina Alvarez at Floirendo ay bunsod ng pag-aaway ng “girlfriends” nila, napanganga sila at nasabing: “Binanatan at pinagpiyestahan ng Kamara ang love... affair nina Sen. Leila de Lima at ng kanyang driver-bodyguard na si Ronnie Dayan, eh noon pala ay meron ding silang itinatagong mga lihim”. Sabi nga ng isang kaibigang journalist: “Nais pa ni Alvarez na ilabas ang sex video nina De Lima at Dayan sa House hearing samantalang isa pang kongresista na may record din sa pakikipagtalik (sex video) noon sa isang sexy actress ang nagtanong pa sa driver-lover kung ilang intensity umabot ang sidhi ng kanilang pagtatalik.”

May nagtatanong kung ang pagkakagalit nina Alvarez at Floirendo ay magiging daan sa pagbagsak sa puwesto ni Speaker Alvarez. Nang banggitin ito kay Alvarez, hindi raw siya natatakot. Kung ganoon, baka si ex-President at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang tanghaling bagong Speaker sa House of Alvarez, este House of Representatives. (Bert de Guzman)