Nasugatan ang apat na sibilyan, kabilang ang tatlong bata, makaraang salakayin ng mahigit 100 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang detachment ng Civilian Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Barangay Geparayan sa Silvino Lobos, Northern Samar noong nakaraang linggo.
Ang detachment ay napaliligiran ng mga komunidad kaya ilang sibilyan ang nadamay sa karahasan.
Sinabi ni Philippine Army 1st Lt. Cherry M. Junia, hepe ng 8th Infantry Dvision Public Affairs Office sa Camp General Vicente Lukban, Catbalogan City, na nasugatan sa pagsalakay sina Genalyn C. Tulin, 31; Jocelyn Tulin, 12; Danica Tulin, 10; at ang dalawang taong gulang na si Ruby Jane Tulin.
Ninakawan din umano ng mga rebelde ang detachment ng CAFGU bago sinunog ito, ayon kay Junia. Kabilang sa mga natangay ng NPA ang isang M60, isang R4A3, apat na carbine rifle, limang garand rifle at isang Harris handheld radio.
Sunud-sunod ang insidente ng pag-atake ng NPA sa nakalipas, ilang araw bago ang pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan ng gobyerno sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) sa Netherlands na nagsimula kahapon, Abril 2.
Kapwa hangad ng magkabilang panig ang bilateral ceasefire.
Armadong sangay ng CPP-NDF ang NPA, na noong nakaraang linggo ay hayagang nagre-recruit ng mga bagong kasapi sa mga lightning rally na ikinasa ng kilusan sa iba’t ibang panig ng bansa. (Francis Wakefield)