Ni AIRAMAE A. GUERRERO
MULING pinaalalahanan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang mga Pilipino sa pagkilala ng kahusayan at kadakilaan ng tanyag na makata na si Francisco “Balagtas” Baltazar, kaugnay ng pagdiriwang kahapon ng ika-229 na anibersaryo ng kanyang kapanganakan.
“(Dapat) maipaalala ang mga bagay na nakalilimutan na ng madla na makabubuti para sa kanila, sa usapin ng bansa, panitikan at pambansang pagkakakilanlan,” saad ni Michael Coroza, tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas.
“Kung walang magpapaalala, tuluyan itong makalilimutan,” dagdag niya.
Ibinahagi ni Coroza na ipinamalas ni Balagtas sa mga akda nito ang pagtatanghal ng mga pag-uugali sa Pilipinas at ipinakita ang mapanghimagsik na paraan ng mga mananakop sa pang-aapi sa mga Pilipino.
Binigyang-diin din ni Coroza na mahusay na nagamit ni Balagtas ang wika at literatura para imulat ang sambayanan sa nangyayari sa lipunan.
Sa mga akda ni Balagtas, tulad ng “Florante at Laura”, naipakalat ni Balagtas ang mensahe na pagmamalabis at paghihimagsik laban sa malupit na pamahalaan, maling pananampalataya, masasamang kaugalian, at mababang uri ng panitikan, ayon na rin kay Coroza.
Nang tanungin kung dapat hirangin bilang bayani si Balagtas na isang manunulat, tugon ni Coroza: “Kapag naghandog ng akda ang manunulat para sa bayan, nakikisangkot siya sa mga gawaing mapagpalaya.”
Idinagdag pa ni Coroza na hindi lang ang pakikipagtagaan o pagpatay sa kalaban ang pamantayan para hiranging bayani ang isang tao. Sa halip, maaari ring ituring at kilalanin na bayani ang isang tao tulad ni Balagtas na may malaking impluwensiya sa pagmumulat ng kamalayan ng mga bayani at karaniwang Pilipino sa tulong ng kanyang mga akda.
Kabilang sa mga bayani na namulat sa mga akda ni Balagtas sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Apolinario Mabini.
“Naging makapangyarihan ang sinulat niya. Hindi man siya binaril o literal na nakipaglaban. Nakipagtagisan siya sa mga namamayani o dominante na naghati sa lipunan,” saad ni Coroza.