Nakatakdang kasuhan ng kidnapping ang tatlong lalaki na naaresto sa pagdukot umano sa isang 17-anyos na lalaki, na nasagip agad matapos salakayin ng militar at pulisya ang kuta ng mga suspek sa Tipo-Tipo, Basilan.
Sa report ng Tipo-Tipo Municipal Police, bandang 9:00 ng umaga nang mangyari ang umano’y kidnapping.
Ipaghaharap ng kasong kidnapping sa korte ngayong Lunes sina Barahim Hamjali, Gerry Maani at Opong Hamjali.
Ayon sa imbestigasyon ng Tipo-Tipo Municipal Police, nabatid na sakay sa motorsiklo ang binatilyo at pauwi na ngunit pagdating sa harap ng isang paaralan ay hinarang siya ng tatlong suspek na pawang armado ng M16 rifle.
Sinabi ng pulisya na puwersahan umanong tinangay ang biktima at dinala sa bahay ng isa sa mga suspek at doon itinago.
Napaulat na humingi ng hindi nabanggit na halaga ang mga suspek kapalit ng kalayaan ng binatilyo.
Hindi pa masabi ng pulisya kung anong grupo o kung miyembro ba ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang mga suspek. (Fer Taboy)