Ni ROY C. MABASA
Dalawang Pilipinong seaman ang nasagip nitong Sabado mula sa isang South Korean freighter na lumubog sa Atlantic Ocean sakay ang 24 crew, sinabi ng Uruguayan navy.
Ayon kay navy spokesman Gaston Jaunsolo, namataan ng apat na merchant ship na dumadaan sa lugar ang tatlong balsa, at nasagip ang dalawang Pinoy na miyembro ng crew.
Ang crew ng Stella Daisy, isang Very Large Ore Carrier (VLOC) na may kapasidad na mahigit 260,000 tonelada, ay binubuo ng 16 na Pinoy at walong Korean.
“A search operation is continuing for the 22 people,” iniulat ng Reuters na sinabi ng isang opisyal ng South Korean foreign ministry sa telepono. Hiniling ng South Korea ang tulong ng Brazil at Uruguay para sa paghahanap sa iba pang tripulante.
Nagpadala ang barko ng emergency call noong Biyernes ilang sandali bago mag-tanghali sa Uruguay, sinabing pinapasok na ito ng tubig, ayon sa navy.
Dahil malayo ang barko sa dalampasigan ng Uruguay – may 2,000 nautical miles, o 3,700 kilometro, mula sa Montevideo – inorganisa ng navy ang apat na merchant ship sa lugar para hanapin ang barko, sinabi ni Jaunsolo sa AFP.
Iniulat ng unang barko na nakarating sa lugar na nakaamoy ito ng “strong smell of fuel” at napansin ang mga debris, “an indication that the damaged ship had sunk,” pahayag ng navy.
Umalis ang barko, pag-aari ng Polaris Shipping, isang kumpanyang South Korean ngunit dinadala ang bandila ng Marshall Islands, mula sa Brazil at patungo na sana ng China.
Nagpadala na rin ang Brazil ng eroplano upang tumulong sa paghahanap, ayon sa mga opisyal. (AFP, Reuters)