Isang panalo na lamang ang kailangan ng reigning back-to-back champion Ateneo de Manila upang direktang umusad sa kampeonato ng UAAP Season 79 men’s volleyball tournament.

Winalis ng Blue Eagles ang De La Salle University, 25-22, 25-20, 25-21, kahapon upang makalapit sa inaasam na pagpasok ng kampeonato sa pag-angkin ng kanilang ika-13 sunod na panalo kahapon sa Mall of Asia Arena.

Muli na namang ipinakita ni Marck Espejo ang laro na nagbigay sa kanya ng tatlong sunod na MVP trophy matapos umiskor ng 15-puntos para pamunuan ang Blue Eagles sa ika-27 sunod nilang tagumpay mula noong nakaraang season.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nagdagdag naman si Tony Koyfman ng 12 puntos habang nag-ambag sina Josh Villanueva at skipper Karl Baysa ng 11 at 10 puntos ayon sa pagkakasunod.

Pormal din nilang pinatalsik ang Green Spikers sa labanan para sa huling semi-finals spot.

Huling makakalaban ng Ateneo sa eliminations ang National University (11-1) sa larong magdidideklara kung awtomatikong uusad sa finals ang Blue Eagles o magkakaroon ng Final Four format sa halip na stepladder format.

“Sa totoo lang hindi na namin iniintindi kung may talo kami o walang talo. What’s important for us is to be in the Finals again and get an opportunity to be champions again,” pahayag ni Ateneo coach Oliver Almadro.

Dominado ng Blue Eagles ang laro na ipinakita sa hinataw nilang 47 kills at 10 service ace.

Wala rin ni isang manlalaro ang La Salle na nagtapos na may double figure.

Nauna rito, inokupa ng Far Eastern University ng ikatlong Final Four seat matapos igupo ang University of the Philippines ,25-18, 25-15, 25-16.

Sinamahan ng Tamaraws ang mga naunang semifinalists Ateneo de Manila at National University matapos makopo ang kanilang ikapito panalo sa loob ng 13 laro.

Nagtala si Jude Garcia ng 13 puntos habang nagdagdag si skipper Richard Solis ng 10 puntos upang kumpletuhin ang season sweep nila sa Maroons bilang pagbawi sa ginawa ng mga itong pagpapatalsik sa kanila sa semifinals race noong nakaraang Season 78.

Dahil sa kabiguan, bumagsak ang Maroons sa markang 5-8, panalo-talo at nanganganib na hindi makasalta ng semis kapag nagwagi ngayong umaga ang University of Santo Tomas kontra eliminated na ring Adamson.

Nanguna sa losing cause ng Maroons sina Alfred Valbuena at John Mark Millete na kapwa nagtapos na may tig-13 puntos.