CABANATUAN CITY - Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na walang magiging pagsirit ng presyo ng bigas sa bansa sa mga susunod na buwan.
Ito ay kahit sumipa sa P1.00 kada kilo ang presyo ng premium rice sa mga pamilihan bunsod ng dagdag gastos ng mga rice importer.
Ayon kay Mayo Teresa Alegado, chairman ng Alliance of Grains Industry Stakeholders of the Philippines, ilan sa sanhi ng mataas na import cost ang patuloy na kumpetisyon sa pantalan sa Maynila.
Batay sa monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA), naglalaro sa P40-P54 ang kada kilo ng premium rice.
Gayunman, nagbabala ang NFA na maaaring tumaas ang presyo ng bigas sa Hunyo hanggang Setyembre.
Sa kabilang dako, labis naman ang kasiyahan ng mga magsasaka sa Nueva Ecija dahil sa pagtaas ng halaga ng palay na umabot sa P24-P25 kada kilo ngayong dry season cropping, ayon kay Edgardo Alfonso, pangulo ng San Jose City Rice Millers Association, kumpara sa nakalipas na pag-aani. (Light A. Nolasco)