Sa Agosto na magsisimula ang pag-iisyu ng Land Transportation Office (LTO) ng mga plastic license card na magiging balido sa loob ng limang taon.

Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante na patapos na ang proseso ng ahensiya sa procurement sa pitong milyong plastic cards na limang taon ang validity.

“We are now processing those (companies) who have qualified in our bidding and we’re about to award to which of them will produce the license cards. We hope to start delivering the license cards by August,” sabi ni Galvante sa mga reporter nang magkaroon ng consultation sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at public transport stakeholders hinggil sa bagong franchising policy na iminumungkahi ng gobyerno.

Aniya, umaasa silang mailalabas ang notice of award sa pinakakuwalipikadong manufacturer ngayong buwan. Hindi pa niya tinukoy ang qualified bidders at ang halaga ng procurement.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ni Galvante na matutugunan ng procurement ang backlog sa license cards para sa mga driver na nag-apply o nag-renew para makakuha ng five-year valid cards simula noong Oktubre 17, 2016, maging ang mag-a-apply hanggang sa mga unang buwan ng 2018.

Ang Metro Manila, na pinakamarami ang nag-a-apply ng lisensiya, ay may backlog na umaabot sa 150,000-200,000, ayon kay Galvante.

PLAKA NAMAN

Samantala, sinabi ng LTO chief na ginagawan pa rin nila ng paraan kung paano matutugunan ang dumaraming backlog sa license plates.

Sinabi ni Galvante na sa kasalukuyan ay umaabot na sa pitong milyon ang shortage sa plaka.

Ang shortage sa license plates ay nagsimula sa notice of disallowance galing sa COA laban sa five-year contract ng LTO sa Power Plates Dev’t Concept at Dutch company na Knieriem BV Goes. (Vanne Elaine P. Terrazola)