Magpapatupad ang Philippine Coast Guard (PCG) ng istriktong mga hakbanging pang-seguridad sa mga pantalan at ferry terminals ngayong Kuwaresma.

Inihayag ni PCG Officer-In-Charge Commodore Joel Garcia kahapon na dahil sa inaasahang buhos ng mga pasahero ngayong Semana Santa, ang lahat ng PCG units sa buong bansa ay itataas sa “alert status” simula sa Abril 5 hanggang Abril 20.

Iniutos ni Garcia sa lahat ng Coast Guard units ang istriktong pagpapatupad ng maximum security measures at regular na monitoring sa seagoing public.

“It is part of our duty to ensure the safe and convenient sea travels of everyone who will utilize sea transport during the Lenten Season” sabi ni Garcia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dahil sa inaasahang holiday rush, pinayuhan ni Garcia ang publiko na dumating sa seaport tatlong oras bago ang kanilang departure time.

Pinaalalahanan din sila na umiwas sa pagdadala ng ipinagbabawal na mga cargo, tulad ng flammable liquids at solids, corrosive materials, toxic at infectious substances, compressed gases, radioactive materials at explosives, at ipakita ang kumpletong mga dokumento kung may dala-dalang baril upang maiwasan ang abala.

Ang mga pasaherong sumasakay sa mga bangkang walang bubong ay hinihimok na makipagtulungan sa pagsunod sa regulasyon ng pagsusuot ng life jacket habang naglalayag.

Binanggit din ni Garcia na ang ship inspectors at Coast Guard K-9 teams ay magsasagawa ng random checks sa mga pasahero at sa mga bagahe.

Magiging masusi rin ang pre-departure inspections upang maiwasan ang pagpapasakay ng mga barko ng sobra sa kapasidad at matiyak na seaworthy ang sasakyang pandagat bago maglayag, sabi ni Garcia.

Ipinaalala rin sa Coast Guard units na magkaroon ng sapat na bilang ng life-saving equipment onboard. Ang mga barko ay kinakailangan ding magpakita ng lahat na valid pertinent documents bago bigyan ng pahintulot na umalis.

Maglalagay ng Passengers Assistance Center (PAC) booths sa lahat ng pantalan sa buong bansa. Matatagpuan sa booths ang PCG at personnel mula sa Department of Transportation (DOTr), Philippine Ports Authority (PPA), Maritime Industry Authority (MARINA), at Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA), sa pakikipagtulungan sa pulisya.

Magtatalaga rin ng Coast Guard medical teams. (Betheena Kae Unite)