NGAYONG (Linggo) ang kapanganakan ng dakilang bayani at makata na si Francisco Baltazar. Siya ay isinilang sa Panginay, Bigaa, Bulacan noong Abril 2, 1788. Samakatuwid, siya ay 229 na taong gulang na ngayon. Siya ang may-akda ng kilalang patulang nobela na FLORANTE AT LAURA na naging inspirasyon ni Dr. Jose Rizal. Ang palayaw niya noon ay Kikong Balagtas.

Si Balagtas ang itinuturing na “Shakespeare of the Philippines”. Isa siya sa pinakadakilang makata sa Tagalog o literary laureate dahil sa kanyang impluwensiya sa Filipino Literature. Siya ay nag-aral sa Colegio de San Jose, Colegio de San Juan de Letran at Ateneo de Manila.

Nakilala niya ang magandang dilag na si Maria Asuncion Rivera sa Pandacan, Maynila noong 1835. Niligawan niya ito at hinandugan ng mga tula, pero dahil ang karibal niya ay isang mayaman, si Mariano Capule, naipabilanggo siya nito. Si Kiko Balagtas ay nagtungo sa Balanga, Bataan noong 1840. Napangasawa si Juana Tiambeng at nagkaroon ng 11 anak.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pumanaw ang makata noong Pebrero 20, 1862.

Kahit pala noong panahon ni Balagtas ay talagang naghahari na ang mayayaman. Naipakulong siya ng mayamang karibal, katulad din ngayon na kapag ikaw ay isang mahirap at kalaban mo ang isang maimpluwensiya at may limpak-limpak na salapi, parang “suntok sa buwan” kung mananalo ka sa kaso.

Hindi ba karamihan sa napapatay sa giyera sa droga ay pawang mahihirap, nakatsinelas na pushers o users, subalit ang masasalaping drug lord at shabu supplier ay hindi man lang makanti ng mga pulis ni Gen. Bato? Hindi ganap na mapupuksa ang illegal drugs hanggat may mga shabu na dinadala ang drug lords at suppliers sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Samantala, isang hit man sa drug war ang nagpahayag na wala silang takot o binabagabag ng budhi sa pagpatay sa drug pushers at users. “We have no fear, nor does it bother our conscience, when we kill these people.” sabi ng hit man sa isang video documentary na ni-release ng New York Times.

Ipinagtanggol ng confessed hit man ang extrajudicial killings sa drug war at malakas ang loob niya dahil sa pangako ng Pangulo na sila’y poprotektahan. Gayunman, may duda ang mga tao kung ang napatay na pushers at users ay talagang nanlaban o kung sila’y may baril.

Naniniwala ang Malacañang na ang mga istorya ng New York Times (NYT) ay bahagi ng “ouster plot” laban kay President Rodrigo Duterte.

Ang NYT documentary at editorial na bumabatikos sa anti-drug war, ay nagpapakita umano ng “well-funded campaign” upang mapatalsik ang Pangulo.

Binanggit ng NYT ang umano’y matinding obsesyon ni Duterte na pumatay ng pushers at users nang walang due process. Sa NYT editorial, nanawagan ito na magsagawa ng isang malayang imbestigasyon tungkol sa mga pagpatay. Inakusahan ni Presidential spokesman Ernesto Abella ang NYT sa paglulunsad ng demolition job laban kay PDu30. Gayunman, wala itong epekto sapagkat nananatiling popular si Pres. Rody at naniniwala ang mga tao na tama ang pagpuksa sa illegal drugs.

Batay sa SWS survey, 82 porsiyento ng mamamayan ay nagsasabing ligtas sila sa mga lansangan ngayon laban sa mga kriminal, drug addict, magnanakaw at holdaper. Sabi ni Abella: “One can only conclude that certain personalities and politicians have mounted a well-funded campaign utilizing hack writers and their ilk in their bid to oust the President.” Hindi raw mapipigilan ang Duterte admin na ipagkaloob sa mamamayan ang isang bansang ligtas sa droga, krimen, at kurapsiyon. (Bert de Guzman)