SERRANILLA SISTERETTES copy

“ANTARAY ng debut na in-attend-an mo, MOA (Mall of Asia Arena) talaga! Super millionaire siguro ang family n’yan,” mensahe ni Ogie Diaz sa akin nang i-post ko sa Facebook ang debut ni Dian Serranilla nitong nakaraang Linggo.

Sa iba pang posts sa social media, ang reaksiyon ng netizens, “Debut of the Century,” “Amazing,” “Spectacular birthday party,” “One for the books,” “What a fabulous debut,” “Superb show,” “Super pasabog to the highest level,” “The grandest debut ever,” “Just wow,” “Awesome,” “The grandest debut that I’ve ever attended,” at maraming iba pa.

Ito ang kauna-unahang debut sa MOA Arena. Bakit sa MOA Arena? Palakaibigan ang pamilya Serranilla na mayroong walong anak, hindi magkakasya saan mang hotel ang mahigit isanlibong mga kaibigang inimbitahan nila.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

At dahil ang konsepto, para ring manonood ng concert ang guests, pumila ang lahat para makakuha ng tickets, at no dull moments na pagpasok.

Sa lobby, may video booth, make-up area, at naka-display ang blown-up photos at memorabilia ng debutante mula sa mga naging hobby niya hanggang sa uniforms niya sa De La Salle Zobel football team, as delegate ng World Youth Day 2016 sa Poland, Lasallian Youth Corps Volunteer at Prom Queen 2017.

Bukod sa sumptuous dinner, dumaan din ang lahat sa red carpet para sa picture taking, at ang highlight ng gabi -- world-class concert na buong pamilya ang performers.

Imposibleng hindi maging world-class ang inihanda ng pamilya Serranilla para sa kanilang mga kaibigan, producer sila ng concerts sa ating bansa ng foreign acts na ang huli ay si Kanye West.

Pero isinusulat ko ito para ibahagi ang pinaka-inspiring na kuwentong namulatan at kinalakhan ko sa aming maliit na Baryo Duran, Nabua, Camarines Sur. Ang kuwento ni Manoy Steve Serranilla, ang padre de pamilya na mula sa pagiging walang-wala ay namuhunan ng guts, abilidad, determinasyon, at pagiging mabuting tao. Ang kuwento ng totoong buhay na lubhang kailangang-kailangan natin sa mga panahong ito.

Bilang pinaka-successful na promding nanggaling sa aming baryo, kung hindi man sa buong Bicolandia, siya ang madalas na iturong halimbawa ng mga magulang sa aming kabataan noon. Inspirasyon namin siya, at puwede ring maging huwaran ng sinumang nangangarap ng mas maayos na buhay.

“Pinakatahimik na bata, palaging nag-iisip, pero pinakamaingay ‘pag nagtitinda ng kamatis sa palengke,” kuwentuhan ng matatanda sa amin. “Sa kanya na raw bumili kasi dadagdagan niya ng isa, kaya pinakamabilis maubusan ng tinda.”

Si Manoy Steve ngayon ang Chairman/CEO ng Serranilla Group of Companies na nakalinya sa food industry -- meat trading, na pinakamalalaking meat processors ang mga kliyente at hog farm/breeding. Nagda-diversify naman ang kanyang mga anak sa iba’t ibang industriya, tulad ng entertainment. Bukod sa concerts, sila rin ang producer ng Mercury is Mine na idinirihe ni Jason Paul Laxamana at kasali sa Cinemalaya 2016.

Pero partida pa ‘yan, hindi kasi nakapagtapos ng elementarya si Manoy Steve – hanggang Grade 5 lang. Dahil nang utusan siya ng kanyang ina, si Nang Echay (Filipino-Chinese mestisa na nagturo sa kanyang maging small entrepreneur), na makiani ng palay (sharecropper o makiimlo, sa aming mother tongue – sa bawat siyam na lata ng palay na iyong maaani, tatanggap ka ng isang lata) sa Bato, katabing bayan namin, hindi na siya umuwi ng bahay.

Sumama siya sa trucking para makarating ng Manila. Sa lugar namin, siya ang nagpauso ng paglalayas ng mga binatilyo na gustong ibahin ang takbo ng buhay, at karamihan, umasenso. Naging boy si Manoy Steve sa tindahan ng sapatos sa Divisoria, naging matadero sa karnihan, at kapag pinagdedeliber ng karne sa mga restaurant, kinakaibigan ang mga kusinero at manager.

Nagpursige siyang mag-ipon at umupa ng puwesto sa karnihan, naging supplier ng karne sa mga restaurant sa paligid ng Divisoria, Chinatown, hanggang sa buong Metro Manila. Ngayon, dumadaan sa kanyang kompanya ang pangunahing sangkap ng mga paboritong ulam sa almusal ng bawat pamilyang Pilipino.

Grade 5 ang inabot? Ngayon, ang mga anak niya ay nag-aaral sa mga pangunahing pribadong eskuwelahan, hanggang Harvard.

Hanggang ngayon, matipid magsalita si Manoy Steve. Tinanong ko siya kung paano siya naging tycoon.

“Mas malaki pa sana ‘yan kung nag-asawa agad ako,” sagot niya sa akin. “Kasi noong binata ako, natuto akong magbisyo.

Andaming nasayang na pera. Marunong mag-ipon ng pera si Edna,” ang kanyang lovely wife.

Tulad ng lahat na self-made successful man, astig magmahal sa mga babae sa kanyang buhay si Manoy Steve, mula kay Nang Echay, kay Edna at sa kanyang mga anak, lalo na sa bunsong prinsesa ang turing niya.

Higit sa lahat, may napansin ako nang imbitahan kaming mag-asawa ni Manoy Steve sa debut ng kanyang bunsong babae. Napakalaki ng hawig ni Dian kay Nang Echay. At magka-birthday sila ng kanyang lola.

Hindi kataka-taka ang debut sa MOA Arena. (DINDO M. BALARES)