KINANSELA ng gobyerno ang plano nitong puwersahang paalisin ang mahihirap na sumalakay at umokupa sa mga bakanteng pabahay ng pamahalaan sa mga proyekto ng relokasyon sa Pandi, Bulacan. Ilegal ang biglaang pag-okupa ng libu-libong bakanteng bahay — at sa paunang reaksiyon ay tinawag pa ito ni Pangulong Duterte na panggugulo — ngunit matapos ang kaukulang pagninilay, inihayag ng National Housing Authority (NHA) na maghahanap ito ng mga paraan upang tanggapin ang nasa 6,000 pamilya na umokupa sa mga pabahay sa unang bahagi ng nakalipas na buwan.
Dahil sa insidente sa Pandi nabunyag ang ilang problema sa programa sa pabahay ng gobyerno na kinakailangang pag-aralan at solusyunan. Ayon sa Kadamay, na ang mga miyembro ang umokupa sa mga pabahay sa Bulacan, ang mga nasabing hilera ng kabahayan ay matagal nang bakante at walang gumagamit, gayung wala silang maayos na tirahan.
Nabatid na ang mga hindi pa kumpletong pabahay ay itinayo para sa mga kawani ng militar at pulisya na, malinaw namang tumatangging manirahan sa lugar dahil napakalayo nito sa lugar ng kanilang trabaho. Isa itong lumang problema na tinangkang resolbahin ng ilang opisyal sa pamamagitan ng mga programang “in-site, in-city, o near-city resettlement”.
Mayroon ngayong walong panukala na nakahain sa Kongreso at naghihintay na pagsama-samahin para maging isa at tatawaging Urban Development and Housing Act, sabi ni Manila Rep. Manuel Luis Lopez, may akda ng isa sa mga panukala.
Inialok niya ang kanyang distrito, ang Tondo, upang maging lugar para sa mga huwarang proyekto na magpapahintulot sa
mga inilipat sa relokasyon na magpatuloy sa kasalukuyan nilang trabaho.
Kailangan ding mapabilis ang proseso ng aplikasyon sa pabahay sa mga socialized housing project. Sa isang panayam, sinabi ni Vice President Leni Robredo na habang naglilingkod siya sa Gabinete bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), nagawa niyang bawasan at gawing siyam na lang ang 27 dokumento na kailangan sa pagpoproseso ng 17 socialized housing projects.
Sa isang punto sa kanilang pag-okupa sa mga bakanteng bahay sa Bulacan, tinuligsa ng Kadamay kung paanong hindi makakayang bayaran ng mahihirap na gaya nila ang mga sinasabing murang pabahay ng gobyerno. Hiniling nila ang libreng pabahay para sa kanilang sektor, dahil ang kasalukuyang programa ng pamahalaan sa pabahay ay hindi nila napakikinabangan.
Sa loob ng ilang linggo, nariyan ang pangambang mauuwi sa karahasan sa pagitan ng mga tauhan ng gobyerno na magpapatupad ng batas at ng grupo ng mahihirap na inaasahan nang makikipaglaban para sa mga bahay na inaangkin nila, kahit pa ilegal, ang puwersahang pagtataboy sa libu-libong pamilya na umokupa sa bakanteng kabahayan sa Bulacan.
Masuwerte namang naiwasan na ito, subalit nananatili ang pangunahing suliranin sa kawalan ng tahanan para sa milyun-milyong Pilipino. Marapat na tutukan ng bagong administrasyon, na iniluklok sa puwesto dahil sa ipinangakong pagbabago, ang problemang ito ng kawalan ng tahanan, at sa tulong ng mga kasapi ng Kongreso na nagsipaghain na ng mga panukala sa pabahay, ay lumikha ng bagong programa na praktikal at abot-kaya at masasabing pinakaakma upang pakinabangan ng mga pinakanangangailangan nito.