Jimmy Butler, NBA, Chicago Bulls
NAALANGAN sa kanyang tira si Chicago Bulls guard Jimmy Butler nang salubugin siya ng depensa sa
ere nina Atlanta Hawks guard Kent Bazemore at forward Kris Humphries sa kaagahan ng kanilang laro sa NBA. Nagwagi
ang Bulls para bigyan-buhay ang sisiyap-siyap na kampanya sa ikawalo at huling playoff spot sa east. (AP)
CHICAGO (AP) — Naisalpak ni Jimmy Butler ang dalawang free throw sa huling 2.1 segundo para sandigan ang Chicago Bulls sa makapigil-hiningang 106-104 panalo kontra Atlanta Hawks nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Naitala ni Butler ang 33 puntos, kabilang ang huling siyam sa krusyal na sandali para makumpleto ng Bulls ang ikatlong sunod na panalo bunsod ng 15-4 run at pantayan ang Miami at Indiana para sa huling dalawang slot sa East playoff.

Sumablay ang three-pointer ni Tim Hardaway Jr. sa buzzer.

Nag-ambag si Rajon Rondo ng season-high 25 puntos at 11 rebound sa Bulls.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

CLIPPERS 115, LAKERS 104

Sa Los Angeles, hataw si Blake Griffin sa naiskor na 36 puntos, habang kumana si Chris Paul ng 29 puntos sa panalo ng Clippers kontra Lakers at maibigay kay coach Doc Rivers ang ika-800 career victory.

Kumawala si J.J. Redick para sa 19 puntos sa Clippers, umusad ng isang laro laban sa Utah Jazz para sa No. 4 playoff seed sa West. Naitala ng Clippers ang ikatlong sunod na panalo at ikapito sa huling siyam na laro.

Nanguna sa Lakers, sibak sa playoff sa ikalawang sunod na season, si rookie David Nwaba na may 19 puntos at tumipa si Brandon Ingram ng 18 puntos.

TRAIL BLAZERS 130, SUNS 117

Sa Portland, Oregon, tumatag ang kampanya ng Blazers sa playoff nang pabagsakin ang Phoenix Suns para sa ikaanim na sunod na panalo.

Nanguna si Damian Lillard sa Blazers sa naisalansan na 31 puntos, habang tumipa si CJ McCollum ng 29 puntos sa Portland, kasalukuyang nasa No.8 (38-38) sa playoff spot.

Ratsada si Devin Booker ng 31 puntos para sa Suns, nabigo sa ika-11 sunod na laro.

NETS 121, MAGIC 111

Sa New York, humarbat si Brook Lopez ng 30 puntos at tumipa si Trevor Booker ng season-high 23 puntos sa panalo ng Brooklyn kontra Orlando.

Humirit si Sean Kilpatrick ng 15 puntos para sa Nets, naputol ang losing streak sa dalawa. Hataw si Elfrid Payton na may 20 puntos, 11 assist at 11 rebound para sa ikalimang triple-double ngayong season.

KINGS 123, TIMBERWOLVES 117

Sa Minneapolis, ginapi ng Sacramento Kings, sa pangunguna ni Buddy Hield na umiskor ng 22 puntos, ang Timberwolves.

Kumubra si reserve point guard Ty Lawson ng 21 puntos at 11 assists, habang umarya si Aaron Afflalo ng 16 puntos.