Apat na sibilyan, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi habang siyam na sundalo naman ang nasugatan sa magkakahiwalay na pag-atake ng New People’s Army (NPA) at engkuwentro nito sa militar sa Northern Samar, Davao Oriental at Bukidnon sa nakalipas na mga araw.

Nasawi rin ang isang rebelde sa pakikipagbakbakan sa Philippine Army (PA) sa Mati City, Davao Oriental nitong Marso 30.

Sa nasabing sagupaan sa Barangay Tagbinunga sa Mati, nasugatan sa shrapnel ng improvised explosive device (IED) sina Pfc. Jouie Oliveros at Pfc. Anatoly Lechoncito, ayon kay Army Captain Rhyan B. Batchar, hepe ng Public Affairs Office ng 10th Infantry Division.

Huwebes din nang masawi ang apat na sibilyan sa pag-atake ng nasa 150 rebelde sa detachment ng Civilian Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Bgy. Geparayan sa Silvino Lobos, Northern Samar.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ang detachment ay nasa pusod ng komunidad kaya maraming sibilyan ang nadamay sa karahasan.

Kinilala ni Army 1st Lt. Cherry M. Junia, hepe ng 8th Infantry Dvision Public Affairs Office sa Camp General Vicente Lukban, Catbalogan City, ang mga nasawi na sina Genalyn C. Tulin, 31; Jocelyn Tulin, 12; Danica Tulin, 10; at Ruby Jane Tulin, dalawang taong gulang.

Ninakawan din umano ng mga rebelde ang detachment bago sinunog ito, ayon kay Junia. Kabilang sa mga tinangay ang isang M60, isang R4A3; apat na carbine rifle, limang garand rifle at isang Harris handheld radio.

Samantala, pitong sundalo naman ang nasugatan nang masabugan ng IED sa kasagsagan ng engkuwentro sa 8th Infantry Brigade sa mga bayan ng Quezon at Cabanglasan sa Bukidnon.

Ayon kay 1Lt. Erwin Bugarin, commander ng 8th IB civil military operations, nagpapatrulya ang kanilang tropa nang makasagupa ang hindi natukoy na bilang ng rebelde sa Cabanglasan.

Sa kasagsagan ng sagupaan ay naapakan ng mga sundalo ang nakatanim na IED na ikinasugat ng lima sa kanila.

(FRANCIS WAKEFIELD at FER TABOY)