INILARAWAN ni Lamar Odom ang sarili bilang “walking miracle” simula nang matagpuang walang malay at lango sa cocaine sa Nevada brothel noong 2015.
Ibinahagi ni Odom sa US Weekly na itinago niya ang paggamit ng cocaine sa dating asawa na si Khloe Kardashian, ngunit nalaman din nito dalawang taon bago ang kanilang hiwalayan noong 2013. Sinabi rin niya na nagsisisi siya sa pagkakaroon ng “multiple affairs with different women” habang mag-asawa sila ni Khloe.
Nagsampa ng diborsiyo si Kardashian noong 2013 ngunit natigil ito nang maganap ang insidente sa brothel. Sinabi niya na nakatulong si Kardashian sa kanya para maibalik ang kanyang memorya pagkatapos ng insidente. Naisapinal ang kanilang diborsiyo noong Disyembre.
Sinisisi ni Odom ang cocaine sa pagwawakas ng kanyang career sa NBA. Aniya, “drugs killed my drive to want to train and be in shape.”
Nilinaw naman ni Odom na magaling na siya simula nang lumabas sa rehab noong Enero. (AP)