WALANG kagatul-gatol na inamin ni Pangulong Duterte na gumagamit siya ng oxygen concentrator kapag natutulog dahil sa sinasabing epekto ng matagal na panahong paninigarilyo. Nangangahulugan na ang nasabing bisyo ay hindi nakabuti sa kanyang kalusugan.

Ang naturang instrumento, sa aking pagkakaalam, ang nagpapaluwag sa paghinga ng mga may karamdaman. Matagal nang inamin ng Pangulo na may Barrett’s esophagus at Buerger’s disease siya na marapat lamang niyang paglabanan sa lahat ng sandali, lalo na sa pagtupad ng tungkulin bilang Pangulo.

Ang nabanggit na pag-amin ng Pangulo ay naghatid ng nakapanlulumo at kaiga-igayang hudyat sa mga tinaguriang sunog-baga o ng mga sugapa sa paninigarilyo. Nakapanlulumo sapagkat halos kasabay nito ang pagpapatupad ngayon ng nation-wide smoking ban. Magugunita na ipinahayag ng Malacañang na simula sa buwang ito ang implementasyon ng isang Executive Order na mahigpit na nagbabawal manigarilyo sa pampublikong lugar. Sa pahiwatig ng Pangulo na tila may kaakibat na pagbibiro, maaari lamang makapagsigarilyo sa gitna ng dagat o sa layong limang kilometro mula sa dalampasigan.

Natitiyak ko na ang nasabing paghihigpit ay labis na ipaghihimagsik ng kalooban ng mga lulong sa paninigarilyo o mga chain smoker; hindi gayon kadaling kumalas sa isang bisyo na naging bahagi na ng kanilang buhay; bisyo na kahit nagpagupo sa kanilang kalusugan ay patuloy pa rin nilang niyayakap kahit batid nila na ang kanilang pagkusagapa ay mistulang pagpapatiwakal.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa kabilang dako, ang pahayag ng Pangulo ay maaaring naghahatid ng kaiga-igayang mensahe sa ating mga kapatid na matagal nang nagugumon sa paninigarilyo. Sana ako ay mali, ngunit natitiyak ko na ang naturang smoking ban ay isang biyaya o blessing sa mga naninigarilyo.

Sa aking pakikisalamuha sa ating kapwa, lalo na sa ating mga kapatid sa media, marami sa kanila ang nagpahayag ng matinding determinasyon sa pagtigil sa mistulang paghigop ng nakalalasong usok ng tabako.

Tama naman, sapagkat ang gayong bisyo ay talagang nakapipinsala sa kalusugan. Hindi pa huli ang lahat upang tamasahin nila ang malusog na pangangatawan; upang hindi mapabilang sa milyun-milyong namamatay sa iba’t ibang dako ng mundo.

Kasabay ng implementasyon ng smoking ban, marapat na lalong paigtingin ang mahigpit na regulasyon sa paggawa at pagbebenta ng sigarilyo. Tiyakin na malinaw pa ring nakaimprenta ang graphic health warning (GHW) sa kaha ng mga sigarilyo. Ang GHW ang naglalarawan ng kahindik-hindik at nakaririmarim na anyo ng mga sakit, gaya ng cancer.

Maaaring halos imposible, subalit naniniwala ako na isa ring epektibong estratehiya sa pagpapatigil sa paninigarilyo ang pagpapatigil din sa paggawa nito. Hindi ba ito epektibong hakbang, lalo na kung iisipin na ang ilan sa mga kumpanya ng sigarilyo ay sugapa sa pandaraya sa buwis?

Sapat na marahil ang naturang mga hudyat upang malipol ang pagkalulong sa paninigarilyo. (Celo Lagmay)