ANG eleksiyon para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan ay itinakda ng Oktubre 31, 2016, ngunit dahil katatapos lang idaos ang pambansang halalan ilang buwan bago ito, nagkasundo ang pinakamatataas na opisyal ng bansa na ipagpaliban na lamang ito—dahil sa “election fatigue” at “fiscal prudence”. Inapura sa Kongreso ang batas na nagpapaliban sa eleksiyon at nilagdaan ito ni Pangulong Duterte nasa dalawang linggo na lang bago ang nakatakdang araw ng paghahalal. Muling itinakda ang eleksiyon sa Oktubre 31, 2017.
Ngayon, muli na namang isinusulong ang pagpapaliban sa barangay elections sa Oktubre 31 sa iba namang dahilan—sinabi ni Pangulong Duterte na 40 porsiyento ng mga opisyal sa 42,028 barangay sa bansa ang kung hindi tiwali ay sangkot sa bentahan ng droga at gagamitin lang, aniya, ng mga ito ang halalan, sa tulong ng perang kinita sa droga, upang panatilihin ang sarili sa puwesto. Nais niyang italaga ang mga opisyal ng barangay sa halip na ihalal ng mamamayan ang mga ito.
Hindi na ito isang simpleng usapin lang ng pagpapaliban ng halalan, gaya noong 2016. Kinailangan lang ng payak na batas para rito. Isang mas kumplikadong proseso ang kailangan upang amyendahan ang Local Government Code of 1991, RA 7160, na nag-oobligang magdaos ng halalan para sa mga barangay chairman at kagawad.
Sapat na nga bang dahilan ang pagkakasangkot ng ilang opisyal ng barangay sa kurapsiyon at ilegal na droga upang pigilan ang paghahalal sa kanila at hayaang italaga na lamang sila ng Presidente? Paano naman ang pagkakadawit din sa kaparehong iregularidad ng maraming alkalde at konsehal? Hindi ba’t ang kaparehong dahilan ay sapat na rin upang kanselahin ang eleksiyon ng mga lokal na opisyal?
Kung tunay na maraming opisyal ng barangay ang sangkot sa droga, sinabi ni Citizens Battle Against Corruption Party-list Rep. Sherwin Tugna na ang kanyang “first preference” ay ang palitan ang mga ito sa pamamagitan ng eleksiyon, hindi sa pagtatalaga ng pangulo ng mga hahalili sa mga ito. “It is only in free and open elections,” aniya, “where the best and the brightest are revealed through fair and square elections.”
Sa mga susunod na buwan, tatalakayin sa Kongreso ang usaping ito. Sa isang panig ay ang mga naninindigan sa ideyalismo ng tapat at malinis na halalan, na tutol sa basta na lamang pagtatalaga ng presidente sa mga ito. Nasa kabilang panig naman ang naniniwalang napasok na ng kurapsiyon ang sistema ng halalan sa bansa, partikular na ng pera mula sa droga.
Ang mas malawak na talakayan sa loob at labas ng Kongreso ay dapat na mauwi sa kasunduang gagabay sa ating mga kongresista at senador sa usaping ito ng pagkakansela ng eleksiyon para sa mga chairman at kagawad ng barangay at pagtatalaga na lang ng Pangulo sa kanila.