Minaliit ni DSWD Assistant Secretary Lorraine Marie Badoy ang panawagan ni dating Department of Social Welfare and Development Secretary Corazon “Dinky” Soliman na disiplinahin siya ng Civil Service Commission.
“Naku, madam, hindi ko ikapreso ‘yan. If worse comes to worst, all that ever happens to me is I lose this job—that I don’t grasp at and willingly give up if it gets to that. I have a lovely life with my family and dogs and books waiting for me. It’s no big loss to me. Promise,” depensa ni Badoy, na ipinaskil sa kanyang Facebook account.
Nauna rito, sinabi ni Soliman sa CSC na dapat kastiguhin si Badoy dahil sa mga “bastos na pahayag nito sa social media na hindi angkop sa isang opisyal ng pamahalaan” nang sabihin nito sa European Union (EU) na bumaling sa online pornography at huwag nang makialam sa isyu ng extrajudicial killings sa Pilipinas.
Tinukoy ni Soliman ang mga komentong ipinaskil ni Badoy sa Facebook noong Marso 17, 18 at 19 na paglabag umano sa ilang probisyon ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
“Marami sigurong hindi sumasang-ayon at gustong sabihin iyon, pero natatakot. Hindi naman tayo dapat pumayag sa mali,” ani Soliman. (Rommel P. Tabbad)