SA mga bayan sa lalawigan, ang pagbasa ng Pasyon at ang Pabasa tuwing Kuwaresma, partikular na tuwing Semana Santa, ay karaniwang tanawin na nagaganap sa mga bahay ng mga may-ari ng mga imahen na isinasama sa prusisyon tuwing Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay.
May mga bayan at barangay din sa mga lalawigan na nagtatayo ng kubol, naglalagay ng malaking krus na kinapapakuan ni Kristo at doon isinasagawa ang Pabasa. Ang mga bumabasa ng Pasyon ay mga senior citizen o mga matandang babae at lalaki at kung minsan ay mga kasama ring kabataang babae at lalaki. Sinasanay na sila sa pagbasa ng Pasyon bilang bahagi ng pagtupad sa kanilang panata tuwing Mahal na Araw.
Ayon kay Padre Chirino, isang paring misyonero Heswita, sa kanyang isinulat noong 1603, ang pag-awit ng mga papuri ay isa sa mga bagay na nakaakit sa mga Kastila nang sila’y dumating sa iniibig nating Pilipinas. Ang kaugaliang nabanggit ang maaaring pinagmulan ng Pabasa.
Ang tono o himig sa pagbasa ng Pasyon ay ayon sa pook at lalawigan. Sa ilang bayan sa Rizal, mapapansin na ang pagbasa ng Pasyon ay magkakaiba. Mababanggit na halimbawa ang mga bumabasa ng Pasyon sa Angono, Binangonan, Cardona, Morong, Tanay at Jalajala. Sa mga Pabasa sa mga imahen na isinasama sa prusisyon tuwing Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Linggo ng Pagkabuhay, tulad sa ibang bayan at mga lalawigan ay mga senior citizen.
Sa pagbabasa ng Pasyon, kung sampu ang bumabasa, dalawa sa mga ito ang sabay sa pagbabasa sa isang saknong (stanza).
Susundan ng dalawang mambabasa hanggang sa sumapit sa huling dalawang mambabasa. Pagkatapos, sabay-sabay babasahin ng sampung mambabasa ang susunod na saknong ng Pasyon. At balik sa sabay na pagbasa ang unang dalawang mambabasa.
Tagulaylay o parang nanaghoy ang himig o tono ng pagbasa ng Pasyon.
Sa mga Pabasa, ang mga may-ari ng imahen na binabasahan ng Pasyon tuwing Mahal na Araw ay may kanya-kanyang paniwala sa pagbibigay-buhay sa tradisyong ito.
Ayon sa pamilya Ragojo sa Baras, Rizal, ang kanilang Pabasa para sa inaalagaang imahen ni San Jose ay isang panata at tradisyong kanilang namana sa kanilang mga magulang at ninuno. Ipinagpapatuloy at hindi nalilimot tuparin tuwing panahon ng Kuwaresma. Nagluluto at naghahanda sila ng pagkain para sa mga bumabasa ng Pasyon at mga dumadalo sa Pabasa.
May mga pamilya naman sa Tanay at Morong, Rizal na nagsasabing ang Pabasa nila tuwing Semana Santa ay bahagi ng paggunita at pakikiisa sa mga hirap at pasakit ng Panginoong Jesukristo. Pasalamat na rin sa mga biyayang ipinagkaloob sa kanilang pamilya. Bukod dito, ang Pabasa sa inaalagaan nilang imahen ay isa na ring paraan upang magsama-sama kanilang pamilya at kanilang angkan na ang iba’y nagbabalik-bayan.
Isang maybahay naman sa Barangay Plaza Aldea, Tanay, Rizal ang nagsabi sa inyong lingkod na nagpa-Pabasa sila tuwing Mahal na Araw bilang pasasalamat sa Poong Maykapal sapagkat napagtapos nila ng kanyang mister ang pito nilang anak na may sari-sarili nang pamilya at hanapbuhay.
Sa ngayon, ang Pasyon at Pabasa ay dalawang tradisyong Pilipino tuwing Mahal na Araw na ipinagpapatuloy at binibigyang-buhay. Kung ito man ay sinasabing nagbabagong-anyo, ang diwa at layunin sa paggunita sa mga hirap at sakit ng Panginoong Jesukristo ay nasa puso pa rin ng mga bumabasa ng Pasyon at ng may mga Pabasa na tumutupad sa kanilang panata at masasabing may mga sense of culture and tradition. (Clemen Bautista)